WALANG plano tumigil si Senador Panfilo Lacson sa paghalukay ng mga anomalya sa baluarte ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano.
Pagkatapos maqgsumite ng ebidensya sa umano’y bulilyasong masahol pa sa flood control scandal, target naman ni Lacson kalkalin ang tinawag niyang “illegal reclamation” sa baybaying bahagi ng Laguna de Bay sa kahabaan ng C-6 Road sa lungsod ng Taguig.

Batay sa inisyal na impormasyon na nakalap ng kanyang tanggapan, lumalabas na pinondohan ang reclamation project sa bisa ng “budget insertions” ni Cayetano.
Sa ilalim aniya ng General Appropriations Act, pinalabas ni Cayetano na slope protection ang pagtatabon ng lupa sa kahabaan ng highway na bumabaybay sa lawa.
Wala rin umanong permit sa Department of Environment and Natural Resources at Philippine Reclamation Authority ang nasabing proyekto. Ang masaklap pa aniya, nagawang patitulohan ang “reclaimed area.”
“Ang isang nakakagimbal dito ‘yung reclamation na wala siyang permit sa DENR, hindi alam ng PRA. Ni-reclaim niya ‘yung portion ng Laguna Lake at tinatambakan ito ng lupa pero ang kanyang justification sa proyektong iyon, lakeshore iyon e, e slope protection,” ani Lacson sa isang panayam sa radyo.
“Ang iba doon napatituluhan na.”
