PORMAL na hiniling ng Estados Unidos sa administrasyong Marcos ang paglilipat ng kustodiya ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy para harapin ang santambak na kasong kriminal na nakabinbin sa Amerika.
Sa impormasyong unang ibinahagi sa Bilyonaryo News Channel, buwan pa ng Hulyo nang ipadala ng US Embassy na nakabase sa Maynila ang “extradition request” sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Gayunpaman, pinaubaya ng DFA ang pagpapasya sa Department of Justice (DOJ) na nagsampa ng patong-patong na kaso kay Quiboloy na umano’y nanghalay sa mga menor-de-edad na babaeng miyembro ng KOJC.
Wala pang pahayag ang DOJ hinggil sa naturang “extradition request.”
Kabilang sa mga kasong kinakaharap ni Quiboloy sa US Federal Grand Jury ang conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion, sex trafficking of children, at bulk cash smuggling.
Kasama ang pangalan ni Quiboloy sa listahan ng “most wanted” sa naturang bansa.
Kasalukuyang nakapiit si Quiboloy sa Pasig City Jail kaugnay ng mga kasong sexual abuse, child abuse, at human trafficking.
