SA gitna ng kabi-kabilang bulilyaso sa mga imprastraktura ng gobyerno, muling nagpakawala ng negatibong salita si Ombudsman Crispin Remulla sa Department of Public Works and Highways (DPWH). Para kay Remulla, walang matinong imprastraturang ginawa ang DPWH, kasabay ng giit na lubhang peligroso ipagkatiwala sa naturang kagawaran ang pagtatayo ng mga gusali. Sa programa sa radyo, partikular na tinalakay ni Remulla ang kabiguan ng public-private partnership (PPP) para sa University of the Philippines – Philippine General Hospital (UP-PGH) Cancer Center Project na makakuha ng bidder. “Kaya natin yan. Kaya lang kaya PPP yan, kapag binigay mo sa DPWH yan, iba na naman itsura niyan,” wika ni Remulla. Inihalimbawa ng Ombudsman ang immigration building na umabot na sa P8-bilyon ang naubos sa nakalipas na 10 taon. Ang masaklap pa aniya, hindi pa rin tapos ang gusaling magsisilbi sanang punong tanggapan ng naturang ahensya. Gayundin aniya ang nangyayari ngayon sa itinatayong NBI building. “Ang sabi ko nga kay [NBI Director] Melvin Matibag, ‘wag niyo na ituloy ‘yung building ng NBI. Bumili na lang kayo ng building… ang pangit ng lalabas diyan,” ani Remulla. Binanggit din ni Remulla ang kapalpakan ng DPWH sa isang flood control project sa Cebu. Ayon sa Ombudsman, ang 63 metro ang nakasaad na lapad ng daluyan ng tubig sa masterplan ng kagawaran pero lumiit sa 25 metro lang ang lapad ng ilog nang matapos ang proyekto. “We have to take a cue from the quality of work that happens with government projects… as it is right now, walana tayo maasahan sa DPWH.” Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Operasyon kontra jumper ikakasa ng PNP at NBI