IDINAAN sa paghahain ng reklamo ang walong senior citizens ang kanilang pagkadismaya bunsod ng umano’y pag-ipit ng National Commission of Senior Citizens sa P10,000 cash gift na nakalaan sa mga lolo at lola pagsapit ng edad 80, 85, 90 at 95-anyos. Batay sa reklamong isinumite sa tanggapan ng Anti-Red Tape Authority (ARTA), partikular na inakusahan ng walong senior citizen mula sa Barangay Marilag ang NCSC na umano’y nagkakait sa benepisyong nakasaad sa ilalim ng Expanded Centenarians Act. Anila, masyado nang matagal ang pagkaantala ng benepisyong dapat nilang makuha alinsunod sa batas na sadyang nilikha para sa mga nakakatanda, kasabay ng giit na hindi na dapat maranasan ng mga iba pang senior citizens ang benepisyo — bago pa man tuluyang “magpantay ang kanilang mga paa” tulad ng nangyari sa iba pa nilang mga kasama. Samantala, nagpahayag ng pagkadismaya ang Marilag Senior Citizens Association (MSCA) sa mabagal at hindi maayos na pagpapatupad ng Expanded Centenarian Act. Ayon kay Ben Rosario na tumatayong pangulo ng MSCA, ang patuloy na pagkaantala sa pagbibigay ng benepisyo ay maaaring sumira sa layunin ng batas — ang parangalan ang mga nakatatandang Pilipino at mabigyan sila ng makabuluhang tulong mula sa gobyerno sa mahalagang yugto ng kanilang buhay. Dagdag pa ng organisasyon, ang patuloy na paghihintay at kawalan ng katiyakan sa tulong pinansyal ay maaaring magdulot ng dagdag na stress at makaapekto sa kalusugan at kalidad ng buhay ng mga senior citizen. “The ECA cash gift is not merely P10,000. For many senior citizens, it represents recognition, dignity and the assurance that the government remembers them,” pahayag pa ng MSCA. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Jinggoy Estrada, hihirit ng hospital detention?