NAGTATANONG ngayon ang dalawang opisyal na tagapagsalita ng House prosecution panel kung bakit kailangan pang gamitin ang bahagi ng P612.5 million na confidential funds ni Vice President Sara Duterte para sa seguridad at proteksyon ng nito kahit pa mayroon namang 400-strong security detail.

Pagbibigay-diin ni House prosecution legal spokesperson and counsel Benjamin “Jay” Tolosa Jr., mayroon ng Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG) na siyang responsable para sa 24/7 na pagbabantay kay Duterte.

“As pointed out yesterday, meron nang more than 400 security personnel na naka-detail kay Vice President. At ang para sa kanyang seguridad, ito na ay mismong tungkulin ng (VPSPG),” sambit pa ni Tolosa.

Ang tinutukoy ng private counsel ay ang naging testimonya ni Commission on Audit-Intelligence and Confidential Funds Audit Office (COA-ICFAO) supervising auditor Xylene Mae del Campo na sa supporting documents na isinumite ng Office of the Vice President (OVP) para sa liquidation ng confidential funds nito ay nakalagay ang gastos para sa surveillance ng mga daraanan ni Duterte sa public engagements nito.

Ayon kay Tolosa, kuwestyunable ang pagdedeklara na ito ng nasabing paggastos ng confidential funds ni Duterte para sa pagbibigay-proteksyon dito dahil mayroon na namang VPSPG.

Ang pananaw naman ni House trial spokesperson at Kabataan Party-list Rep. Renee Louise Co, ang VPSPG ay mayroong sariling pondo, na hiwalay sa OVP.

Pinuna rin ni Co maging ang paggastas ni Duterte sa P112.5 million confidential funds ng Department of Education (DepEd), na pinamunuan din nito.

Giit ng Kabataan party-list solon, ang mandato ng DepEd ay makapagbigay ng quality at accessible education sa mga mag-aaral subalit sa panahon ni Duterte ay gumamit ito ng pondo para sa counterinsurgency at counterterrorism operations.

“Paano ba nakakamit ’yun sa paggasta ng supposedly confidential intelligence funds for ‘counterinsurgency, counterterrorism operations’? Hindi natin nakikita, hindi clear ’yung connection,” sabi pa ni Co.

Naniniwala si Co na sa patuloy na pag-usad ng impeachment trial at pagsalang sa mga testigo ay lalong pabigat ng pabigat ang alegasyon, na hindi pa rin nasasagot mismo ng bise presidente.

“So marami pa ’yan. And pabigat ng pabigat kung hindi po ito nasasagot. At padami ng padami ’yung ebidensya to support ’yung mga anomalies na ito,” mariing sabi pa ng lady party-list lawmaker.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *