BILANG ‘commander-in-chief’ at pangunahing responsable sa seguridad ng bansa, legal at karapat-dapat lang na magkaroon ng confidential funds si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ito ang binigyan-diin ni House Committee on Human Rights Chairperson at Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., bilang pagtatanggol sa hirit na confidential and intelligence funds ng Office of the President (OP) sa ilalim ng panukalang P7.2-trillion na national budget para sa taong 2027.

“I think we have to remember that the President is also the commander in chief of the Armed Forces. Therefore, he has all the right to have a confidential fund,” wika ng House panel head.

Sa ilalim ng 2027 National Expenditure Program (NEP) na isinumite ng Malakanyang sa Kamara, partikular na isinusulong ang P2.25 billion confidential funds at P2.3 billion na intelligence funds para sa tanggapan ng pangulo.

Ayon kay Abante, hindi na bago ang paglalaan ng confidential  para sa Pangulo. Katunayan aniya, may P4.55 billion CIF ang OP ngayong 2026.

Ginawa ni Abante ang pahayag bilang tugon kay Senate Finance Committee Chairperson Sen. JV Ejercito na nagsabing dapat limitahan ang CIF sa mga ahensyang responsable sa law enforcement, intelligence at national security.

Giit ng Manila lawmaker, walang dudang sakop ng mungkahi ni Ejercito ang ang Pangulo na tumatayong commander-in-chief ng lahat ng law enforcement agencies. Bahagi rinj aniya ng tungkulin ng Pangulo tiyakin ang seguridad ng bansa at labanan ang anumang kinakaharap nitong banta.

“Palagay ko naman alam na po natin bilang commander in chief ng Armed Forces, bilang siya rin po ang subject ng mga threat, especially ng Vice President. Aba, eh kinakailangan po naman na meron po talagang confidential fund ang ating Pangulo.” 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *