MAITUTURING na isang malupit na estratehiyang kinatigan naman ng Senate impeachment court dahil naaayon na sinusunod na tuntunin sa paglilitis ang sagot ng prosekusyon sa natunugan nitong taktikang gagamitin sana umano ng depensa.

Pagbubunyag ni House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua, ang legal strategy na ito ay ang pag-atras sa tatlong impeachment charges laban kay Vice President Sara Duterte, na kitang-kitang nagpawindang sa hanay ng mga abogado ng pangalawang pangulo.

“Parte ’yun talaga ng legal strategy… kasi po ‘pag nagkakaroon po kami ng meeting, parte rin po dito ’yung babasahin mo kung ano magiging diskarte ng defense. So paano, how will you counter that?” kwento ni Chua.

“Ang totoo po niyan, inaasahan po namin na patatagalin po nila ‘yung article. Nabasa na po namin ‘yung kanilang magiging strategy,” dagdag niya.

Ayon kay Chua, naghinala ang prosekusyon na maaaring pahabain ng mga abogado ni Duterte ang paglilitis hanggang sa umabot sa susunod ng taon, na magreresulta sa pagkawala ng interes ng publiko at makalimutan na rin ang naiprisintang ebidensiya at testimonya laban sa nasasakdal.

Una aniya ay ikinonsidera ng mga nag-uusig na ang i-urong lamang ang Article III o bribery case pagkatapos ang presentasyon ng Article II, na tinatawag din ‘unexplained wealth’ charge subalit ang pinal na pinagkasunduan ng naturang grupo ay isantabi na rin ang Article I, ang misuse of confidential funds at Article IV, na grave threats laban kay Duterte.

Ito ay para ma-sentro na lamang sa iisang kaso, ang Article II kung saan sa testimonya ni forensic accounting expert Atty. Alexander Cabrera ay nalantad ang P817.87 million unexplained wealth ng akusado at asawang si Atty. Manases Carpio, na sabi pa ng prosecution expert witness na maaari pang lumobo sa P1.5 billion kung hindi naging konserbatibo ang kanyang pagtaya.

Nang sumang-ayon ang Senate court sa desisyon ng prosekusyon na pag-withdaw sa tatlong impeachment cases, kitang nabigla at mahigpit na tumutol ang defense team kung saan tahasang sinabi ng kanilang lead counsel, na si Atty. Sheila Sison na naalisan ng karapatan ang nasasakdal na sagutin ang mga alegasyong naunang naisalang sa paglilitis.

Kinontra naman ito ni Chua at sinabing noong pa lamang 2024 sa isang congressional investigation ay hindi na humarap si Duterte para direktang sagutin ang mga isyu laban sa kanya at sa halip ay dumulog ang kampo nito sa Supreme Court (SC) para hilingin ipatigil ang mga pagdinig at maging ang impeachment proceedings.

Dagdag niya, iminungkahi noon ng prosekusyon na magkaroon ng alternate presentation ang dalawang panig kung saan matapos ilatag ng una ang mga ebidensiya at saksi para sa isang artikulo, ay depensa naman ang may pagkakataon maghain ng kanilang mga ebidensiya bago talakayin ang kasunod na impeachment article.

Subalit mahigpit na tinutulan ng depensa ang article by article na pagprisinta ng mga ebidensiya nila kung nagkaroon sana ng pagkakataon ang publiko na makita kung ano ang argumentong ilalatag ng kampo ni Duterte sa bawat alegasyon sa kanya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *