KUNG mapatutunayang tama ang ibinunyag ng National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa malaking “improvements” sa dalawang agricultural lands, tiyak na may paglabag ang Fort pangulo sa alintuntunin hinggil sa pagsusumite ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Paalala ni House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua, hindi simpleng bagay ang deklarasyon sa SALN dahil yun aniya’y pinanunumpaan.

“Well, unang-una, sa SALN, nanumpa ka, nanumpa ka doon sa SALN na lahat ng mga nilagay mo doon sa SALN, eh totoo at tama. So doon lang makikita natin na may violation na doon sa kanyang pag-oath,” dagdag ng House prosecutor.

Ginawa ni Chua ang pahayag patungkol sa ipinakita ng NBI na dalawang agricultural lands sa Brgy. Catigan, Davao City, na idineklara ni Duterte sa kanyang SALN na may kabuuang halaga ng P890,000.

Subalit nadiskubre ng naturang ahensiya na mayroong itong mansiyon, dalawang swimming pools, helipad at iba pang mga istraktura, kaya tinatayang aabot sa P41 million hanggang P61 million ang halaga.

Ayon kay Chua, sa lawak ng lupain na nasilip ng NBI, tumutugma ito sa agricultural lands na inilagay ni Duterte sa kanyang SALN, lalo’t may hawak pang kopya ng titulo ang ahensiya para matunton ang lugar.

“Noong nakita yung aerial shot, mukhang ang laking lupa, tapos may nakatirik na malaking bahay, may dalawang swimming pool, may helipad. Alam po ninyo, yung P890,000, hindi po natin kailangan maging mathematical genius. Ultimo yung mga kababayan natin na mga simple lamang, pag nagtatayo ng sarili nilang bahay, makikita naman nila kung gaano kamahal yung mga materyales. Eto, how much more, meron pang swimming pool at helipad,” dugtong ng Manila solon.

Sang-ayon si Chua na dapat maimbestigahang mabuti ang nadikubre na ito na higit pa sa simpleng resort subalit agricultural lands lang na property at wala pang isang milyon ang idineklara dito ng bise presidente sa kanyang SALN.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *