HULI na at hindi katanggap-tanggap ang paliwanag ng panig ng depensa na ‘alyas’ lang ginamit sa mga acknowledgement receipt (ARs) para sa pagtukoy kung sino-sino ang nakatanggap ng nasa P612.5 million confidential funds ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay House prosecution spokesperson at private prosecutor Benjamin “Jay” Tolosa Jr., ang nasabing argumento ng mga tagapagtanggol ni Duterte ay nailatag lamang nang iprisinta ng tagausig sa nakaraang impeachment trial si Philippine Statistics Authority (PSA) Assistant National Statistician Marizza Grande.

Paggigiit niya, sa naisumiteng Articles of Impeachment pa lamang ay mayroon nang nakapaloob na alegasyong kaduda-duda ang mga pangalang nakalagay sa iba’t-ibang ARs na isinumite sa Commission on Audit (COA) ng Office of the Vice Presidente (OPV) at Department of Education (DepEd), partikular noong si Duterte ang kalihim ng huli, para sa pag-liquidate nito ng naturang pondo.

Ani Tolosa, sa pagsagot pa lamang ng defense team sa Articles of Impeachment at sa pre-trial brief ay inihain nito ay dapat ginawa na ang paliwanag na ‘alyas’ ang ginamit sa ARs at hindi sa mismong paglilitis.

“Even in [their] pretrial briefs, where you’re supposed to lay down ano ba iyong theory mo dito, ano iyong position mo, they also did not assert that these are aliases,” sabi pa ng private prosecutor.

“After nating marinig ito na ang mga pangalan sa acknowledgment receipts, iyan ang naging findings ng PSA, doon natin narinig for the first time sa kanila,” dugtong ni Tolosa.

Sa testimonya ni Grande, sinabi nitong nasa 1,287 sa kabuuang 1,992 na mga pangalan na inilista ng OVP na umano’y nakatanggap ng confidential funds nito ay walang birth, marriage o death records sa kanilang data base.

Dagdag niya, sa sinasabing mga nakatanggap ng confidential funds ng DepEd, 398 sa 677 ng mga pangalan ay wala ring birth, marriage o death records sa PSA.

Kabilang sa mga kaduda-dudang pangalan na nakalagay sa ARs ng OVP at DepEd ay ang Mary Grace Piattos, Miggy Mango, Matthew N. Keso, Jay Kamote, Mary Grace Poss, Ralph Josh Bacon,Thomas Panda, Andy Lim, Antonio Pagong, Anne Ongpauco, Heart Santiago, Feonna Villegas, Beth Revilla, Clarisse Hontiveros, Jose Diokno Jr., Diane Maple Lapid, John A. Lapid Jr., Claire Pampano, Nova Santos, Salah Casim, Renan Piatos, Xiaome Ocho, Kokoy Villamin, Contis, Connor Adrian, Honeylet Camille Sy, Kristine Applegate Estrada, Denise Tanya Escudero at iba pa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *