TAHASANG sinabi ni House impeachment prosecutor at Manila Rep. Joel Chua na batay sa kanilang mga ebidensiya at saksi ay malakas ang lahat ng kasong isinampa laban kay Vice President Sara Duterte, na kahit maituturing na “best witness” ang huli ay hindi naman kailangan pang ipatawag ito sa Senate impeachment court.

“Naniniwala kami, humarap siya o hindi, ay matibay iyong aming kaso, iyong aming mga inilalatag na ebidensya,” ang mariing sabi pa ni Chua.

“Pero sa amin po kasing paniniwala na wala pong tao na best na makakapagpaliwanag ng bawat article kung hindi ang ating Vice President,” dugtong niya.

Sa nakaraang impeachment trial ay ipinabatid ng House prosecution panel na maaari nitong gamitin ang karapatang iprisinta si Duterte bilang testigo.

Subalit ayon kay Chua, hindi muna nila pormal na hiniling na isyuhan ng subpoena ang bise presidente, na maaaring maituring na mahalaga ang magiging testimonya sa lahat ng kinakaharap nitong impeachment charges.

“Napagkaisahan naming lahat na ang pinakamagandang testigo sa lahat, hindi lamang sa isang artikulo, bagkus sa apat na articles na aming ipi-presenta, ay walang iba kung hindi ang ating Bise Presidente mismo,” palalahad pa ng kongresista.

“Dahil siya lamang at siya lamang mismo ang tanging makakasagot ng lahat ng mga alegasyon. At ito ay maganda na marinig natin mula sa kanyang bibig ang kanyang tugon dito sa apat na articles,” dugtong niya.

Ayon kay Chua, nirerespeto ng prosekusyon ang constitutional right ng bise presidente, bagama’t naniniwal sila na walang pinakamagandang testigo at dapat direktang magpaliwanag sa mga akusasyon ang nasasakdal.

“Walang ibang dapat magpaliwanag dito kung hindi ang bise presidente mismo, nang sa ganoon ay marinig, hindi lamang ng mga senator-judges, bagkus ang ating mga kababayan, ang kanyang mga tugon sa lahat ng mga katanungan, sa bawat artikulo na isinampa laban sa kanya,” giit pa niya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *