WALANG puwang sa isang sibilisadong lipunan ang mga espiya at taksil, ayon kay House Majority Leader Sandro Marcos matapos pagtibayin ng Kamara ang House Bill 9642 na mas kilala sa tawag na New Espionage Act. SA botong 247 pabor at 10 pagtutol, ganap nang inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang naglalayon panindigan ang soberanya, karapatan at kalayaan ng bansa. Sa ilalim ng HB 9642, palalakasin ang paglaban ng bansa kontra espionage, cyber-enabled spying, pag-atake sa mga pangunahing imprastraktura at iba pang maaaring banta sa national security. Sa pamamagitan din aniya ng HB 9642, magpapatupad ng pagbabago sa legal framework para sa pagprotekta sa classified information, national defense assets at sensitive government operations. Para sa House majority leader, ang espionage sa ngayon ay hindi na lamang pagkuha ng mga mahahalagang dokumento o pisikal na pagtawid ng isang espiya sa border ng bansa lalo pa’t higit na komplikado subalit mapangahas ang teknolohiya tulad ng cyber networks, drones, financial channels at pag-atake sa tinaguriang critical infrastructure. Garantiya ng kongresista mula sa Ilocos Norte, patuloy na isinusulong ng Kamara ang mga angkop na batas para makasabay sa mga nagbabadyang banta at bigyan ng sapat na kakayahan nang pamahalaan na protektahan ang bansa. Bukod kay Marcos, ang iba pang pangunahing may-akda ng naturang panukalang batas ay sina Reps. Ysabel Maria J. Zamora, Lordan G. Suan, Jurdin Jesus M. Romualdo, Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, Javier Miguel Lopez Benitez, at iba pa. Nakapaloob dito ang pagpapataw ng kaukupang parusa sa unauthorized handling o disclosure of classified information na maaaring magdulot ng kapahamakan sa bansa, kasama na ang unauthorized access sa plano o representations ng critical infrastructure at defense facilities, at ang unauthorized entry sa protected national defense assets o critical infrastructure. Ang espionage at conspiracy to commit espionage ay papatawan ng habambuhay na pagkakakulong ng walang parole o benefits of good conduct time allowance, kasama na ang multang ₱10 million hanggang ₱20 million. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Anti-Political Dynasty Bill prayoridad ng Kamara Extradition request kontra Quiboloy, natulog sa DOJ