HINDI pwedeng hindi sumipot si Davao City Mayor Baste Duterte sa paglilitis ng impeachment court sa nakatatandang kapatid na si Vice President Sara Duterte, babala ni House prosecution legal spokesperson Atty. Jay Tolosa.

Bukod sa pagsipot, hindi rin umano pwedeng hindi sasagot sa mga katanungan ang alkalde sa sandaling isalang sa “witness stand.”

Ayon kay Tolosa, hindi lulusot sa impeachment court ang karaniwang linyang “I invoke my right against self incrimination”  ng mga “resource persons” sa mga pagdinig sa Kongreso.

Ang dahilan — hindi naman umano akusado si Mayor Baste — “It’s not like a magic word that you could invoke para lang hindi ka nasasagot. You have to justify it.” 

“Hindi niya pwedeng sabihin na hindi ako pwedeng ma-compel to testify because of my right against self-incrimination kung hindi naman siya accused, ’yan sa general rule,” dugtong ng abogado.

Subalit kung ang tanong ay maaaring magresulta sa pagkakaroon ng kaso, sinabi ni Tolosa maaaring igiit ng alkalde ang naturang karapatan — bagay na kailangan muna pagpasyahan ng Senate impeachment court.

Samantala, binalaan naman ng isa pang private prosecutor ang Davao City mayor sa posibilidad na hindi siputin ang pagdinig ng senate impeachment court.

Hindi malayong ma-contempt si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte kung balewalain nito ang subpoena na inisyu sa kanya ng Senate impeachment court para humarap sa paglilitis sa kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte.

Ayon kay private prosecutor Atty. Lorna Kapunan, may kapangyarihan ang presiding officer ng Impeachment court na si Senator-Judge Francis “Chiz” Escudero na mag-isyu ng contempt ang mga hindi susunod sa korte.

“Under the Senate Rules, the Senate Impeachment Court presiding officer himself has the power to declare in contempt.Kagaya ordinary courts, pag hindi ka dumating may show cause order,” ani Kapunan.

Una nang hiniling ng prosekusyon na maipa-subpoena si Mayor Duterte upang uusisain sa mga kontratang iginawad umano sa Gencorp Industries Inc. na kabilang sa mga kumpanyang idineklara ng bise presidente sa isinumiteng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *