HINDI na magagawa pang itago o itanggi man lang ng pamilya Duterte ang “pakikiapid” sa bansang China. Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na tumatayong tagapagsalita ng prosekusyon, ang pagiging malapit ng buong pamilya sa China — mula pa sa panahon ng panunungkulan ni former President Rodrigo Duterte. Bukod aniya sa usapin ng West Philippine Sea na “pinaubaya” umano ng matandang Duterte sa China, pati aniya sa negosyo pawang Intsik ang kasosyo. Hindi rin umano pinalampas ng China ang karera sa pulitika ni Vice President Sara Duterte. Katunayan aniya, lumutang na rin ang China connection ng bise presidente sa impeachment trial. “From the basis alone of the narrative and the position that they have taken, even starting from the previous administration up to now, mukhang friendly sila sa narrative ng China. And by saying that, they’re not even hiding it, eh. Sinasabi nila,” wika ni Alonto Adiong. “This is not just my personal observation. I think if we go back to statements, positions that they have made, I think it has always been friendly to China,” dagdag niya. Sa mismong Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) ng bise presidente, idineklara ni Duterte ang business interest sa Gencorp Industries Inc., Times Square Bee Foods Corp. at Great Jolly Times Foods Corp. Kapansin-pansin umano sa records ng Securities and Exchange Commission (SEC) na si businessman Jaime Tan Cruz — na nagsilbing Special Envoy to China for Trade and Investments noong nagdaang administrasyon, ang “biggest shareholder” ng Gencorp Industries Inc. Sa record naman ng Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS), ang Gencorp Industries Inc. ay nagkaroon ng 49 governments contracts na aabot sa kabuuang P35.9 million. Ito’y kinabibilangan ng 33 contracts sa PhilHealth Region XI, na aabot sa halagang P1.331 million; 15 contracts sa Davao City government, na may kabuuang halaga na P34.216 million at isang kontrata sa halagang P330,000 sa OWWA Region XI. Ayon kay Alonto Adiong, tinitignan ng prosekusyon ang corporate connections ng bise presidente at maging ang ilang miyembro ng pamilya Duterte para matukoy ang idineklarang yaman at business interests ng pangalawang pangulo. “So mukhang mayroong proximity in terms of engagement with the Chinese government or with any Chinese entity,” sabi pa ng Lanao del Sur solon. (ROMER BUTUYAN) Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Subpoena ng korte hindi pwede isnabin ni Mayor Baste