MATAPOS kaladkarin ang pangalan ni Vice President Sara Duterte sa kontrobersyal na ‘maleta,’ hinikayat ni dating Surigao del Norte Rep. Ace Barbers ang Office of the Ombudsman na maglunsad ng imbestigasyon hinggil sa nasabing kontrobersya.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Barbers, na tumatayong tagapayo at tagapagsalita ng prosecution panel, ang pagtanggap umano ng mga miyembro ng dating first family ng tinatayang P2 bilyong ganansyang personal na dinala ng isang Police Corporal Rodulfo Gracioso Jr. na nagsilbing security aide ni former House Speaker Lord Allan Velasco.
Pinabulaanan din ni Barbers na may kinalaman ang panig ng tagausig sa impeachment trial ng bise presidente sa paglutang ni Gracioso.
“We will probably seek the intervention of the appropriate agency. In this case, this is the Ombudsman, who has to conduct the investigation and file the necessary charges if it merits the filing of such charges against the respondent,” wika ni Barbers.
“Hindi (ito) dapat i-ignore, at ito ay dapat imbestigahan mabuti, palaliman ang imbestigasyon nang sa ganoon lumabas ang katotohanan,” dagdag niya.
Batay sa pagbubunyag ni Gracioso, sa utos umano ni Velasco ay mahigit 20 beses siyang nag-deliver ng pera, na nakalagay sa maleta, sa bise presidente na sa pagtaya nito ay aabot sa higit P2 bilyon ang kabuuang halaga.
Sabi pa ni Gracioso, bukod sa bise presidente ay nagdala rin siya ng pera kina former President Rodrigo Duterte at anak din ng huli na si Davao City Rep. Paolo Duterte.
Giit ni Barbers, ang pagkakaroon ng masusing imbestigasyon ay makakatulong din sa mga binanggit na personalidad para linisin ang pangalan kung sadyang walang katotohanan ang ibinunyag ni Gracioso.
“Pangalawa, ito ay galing mismo doon sa information na ito ay galing mismo doon sa pinagkakatiwalaang tao ng dating Speaker ng House of Representatives na alam po ng ating mga mamamayan na malapit na malapit sa Duterte family,” dugtong niya.
Nagpahayag din ng panghihinayang ang dating kongresista sa paglutang ng former security head ni Velasco. Kung natunugan lamang umano ng prosekusyon ang naturang pasabog, posibleng isinama ang naturang usapin sa Articles of Impeachment laban sa pangalawang pangulo.
“Hindi naman natin pwedeng turuan siya kung kailan niya dapat ilabas ito. Siguro nakita niya na panahon na ilabas niya ito, dahil siguro nababagabag siya ng kanyang konsensya, kung kaya’t nilabas niya ito,” paliwanag ng former Surigao del Norte solon.
“It doesn’t necessarily follow that kung lumabas ito sa panahon na merong impeachment, ito ay ginawa ng prosecution. I don’t see any logic behind that,” dagdag niya.
“Whatever information lumabas, whether before, during, or after the impeachment trial, eh, dapat bigyang-halaga ito ng ating mga ahensya ng gobyerno na in-charge dito sa ganitong mga klaseng issue.”

Karagdagang Balita
51 baril pag-aari ni Sara at asawa, kumpirmado
Gracioso iko-konek sa impeachment ni Sara
Sarswelang paglilitis: Gag order hirit sa bira ni Sara