HINDI marahil sinasadya ni Mayor Baste Duterte ipahamak ang sariling ate sa ginawang pagtutuwid sa datos na hawak ng prosekusyon kaugnay ng mga kontratang nasungkit ng GenCorp Industries Inc. sa lungsod ng Davao.
Ayon kay Mayor Baste, 19 ang kabuuang bilang ng mga kontratang iginawad ng pamahalaang lungsod ng Davao sa GenCorp na kabilang sa mga negosyong idineklara sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) na isinumite ni Vice President Sara Duterte.
Sa pagsalang ng alkalde bilang testigo sa Senate impeachment trial, inamin din ng Davao City mayor na business partner niya si Jaime T. Cruz, na tumatayong kinatawan ng JTC Group of Companies Philippines at largest shareholder ng GenCorp.
Ayon kay Mayor Baste, kapwa sila shareholders ni Cruz sa Chinese Gen Bee Food Corp. — bukod pa sa malapit na kaibigan ng kanyang ama ang kanyang kasosyo sa negosyo.
“Maybe not entirely the family, but he’s a friend of my father. He’s a known businessman in Davao,” tugon pa ng local chief executive sa tanong kung ano ang relasyon ng kanilang pamilya kay Cruz.
Sa direct examination ni private prosecutor Theodore Te, sinabi ni Mayor Baste na sa mga kontratang naibigay ng Davao City government sa GenCorp, apat ang dumaan sa competitive bidding, 15 ang sa pamamagitan ng small-value procurement.
Dagdag pa ng alkalde, labing-tatlo sa kontrata ang natapos at nabayaran na habang ang anim ay nagpapatuloy pa.
Isa sa mga kontratang tinukoy ni Mayor Baste ay nagkakahalaga ng P8.4 million para sa pagkain ng nasa 60,000 katao kung saan ang GenCorp lamang ang lumalabas na nag-bid.
Inamin din ng alkalde na si Davao Assistant City Administrator Atty. Tristan Dwight Domingo ang lumagda sa mga kontrata, bilang opisyal na kinatawan.
Binigyan-diin naman niya na nasa kanya pa rin ang kapangyarihan para ituloy o kanselahin ang kontrata, kabilang ang binigay sa GenCorp subalit umaming hindi niya personal na nabusisi ang lahat ng kontrata.
Samantala, sinabi rin ni Mayor Baste na wala siyang alam sa pagkakaroon ng business interest ng kapatid na bise presidente sa GenCorp.
