WALANG lihim na hindi nabubunyag. Ito marahil ang napagtanto ni Vice President Sara Duterte matapos isalang sa witness stand ang mga opisyal ng Register of Deeds na nangangasiwa sa rekord at dokumento na may kinalaman sa mga lupain..
Sa pagpapatuloy ng impeachment trial, partikular na tinukoy ni Davao City Register of Deeds Atty. Kathy Florence Baldonado at Island Garden City of Samal Acting Register of Deeds Atty. Marco Pineda ang mga lupang binili ng kabiyak ng pangalawang pangulo sa Davao City at Kembali Coast sa Samal Island.
Batay sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) na isinumite ni Duterte, wala sa talaan ang pag-aaring 379 metro kwadradong lupain sa Barangay Matina sa lungsod ng Davao.
Wala rin umano sa SALN ni Duterte ang “beachfront” sa Kembali Coast sa Samal Island na nabili lang sa halagang P3.453 milyon.
“Dalawang lote na binili ni Atty. Mans Carpio — parehong wala sa SALN ni VP,” wika ni House Committee on Higher and Technical Education Chair at Tingog partylist Rep. Jude Acidre.
Unang naungkat ang 379-square-meter property sa Brgy. Matina, Davao City, na nasa ilalim ng Transfer Certificate of Title No. 146-2024010775 at nakapangalan kay Carpio.
Dagdag pa ni Atty. Baldonado, base sa kanilang rekords, ang nasabing lote ay nabili sa halagang P6 million noong Hulyo 2, 2024, panahong nanunungkulan na si Duterte bilang bise presidente.
Sa panig ni Atty. Pineda, sinabi niyang ang lote sa Kembali Coast, Island Garden City of Samal ay nasa ilalim ng TCT No. 142-2019013134, nabili noong March 2018 at nailipat sa pangalan ni Carpio noong March 2019 kung saan sa titulo ay idineklara ang pagiging married ng huli kay Duterte.
“Hindi po kami ang nagsasabi. Ang titulo ang nagsasabi kung kanino ang mga lupa. Ang SALN ang nagsasabi kung ano ang idineklara at hindi ni VP Sara. Ang mga opisyal ng Register of Deeds lang ang nagbasa at nagpatunay ng mga lote. Hindi po nagtugma sa SALN ni VP Sara,” anang ranking House official.
Ayon kay Acidre, ang Matina property ay wala sa 2025 SALN ng bise presidente habang ang Kembali Coast property ay wala sa 2019 at maging sa 2025 SALN ng pangalawang pangulo.
Nilinaw ng Tingog partylist solon na obligasyon ni Duterte ideklara ang mga naturang lote kahit pa ang asawang abogado ang bumili.
“Sa batas, kasama sa SALN ang ari-arian ng asawa.”
