SA kabila ng pagiging abala bunsod ng usaping pulitika, nagawa pa rin ng Kamara pagtibayin ang nasa 448 panukalang batas — bukod pa sa 32 priority bills na isinusulong sa ilalim ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).

Sa ulat ni House Speaker Faustino Dy III, kabilang sa mga ibayong pinagtuunan ng pansin ng Kamara ang mga panukalang batas na may kinalaman sa education, child protection, assistance para sa overseas Filipino workers, healthcare para sa senior citizens, at iba pang tugon sa pangangailangan ng bawat pamilyang Pilipino.

“Batay sa ating pinakahuling ulat, umabot na sa 654 ang mga hakbang na naaprubahan ng Kamara, kabilang ang mga panukalang batas at resolusyon,” pahayag ng House Speaker.

“Labintatlo na ang naging Republic Acts. Lima ang ratified bicameral conference committee reports. At 448 na panukalang batas ang naipasa natin sa ikatlo at huling pagbasa,” dagdag ni Dy.

Kabilang sa proposed measures na nakalusot sa ikatlo at huling pagbasa ang apat na LEDAC priorities — ang House Bill 11561 tungkol sa national disaster risk finance and insurance framework; HB 11563 para sa performance measurement system at pagpapatupad ng meritocracy sa local government; HB 11566 na nagbibigay proteksyon sa mga kabataan sa social media at online gaming platforms; at ang HB 11597 o ang comprehensive infrastructure development masterplan.

Ang HB 11566 ay pangunahing isinulong nina Speaker Dy, Senior Deputy Speaker Ferdinand “Dinand” Hernandez at Majority Leader Sandro Marcos, na naglalayong magtakda ng safety standards at regulatory measures para sa mga batang gumagamit ng social media at online gaming platforms.

“Sa Children’s Social Media Safety Act—na pinasa natin sa pangatlong pagbasa—nais nating protektahan ang mga bata laban sa mapanganib na online content sa pamamagitan ng age restrictions, parental consent, at mas mahigpit na pananagutan ng social media platforms,” paliwanag ng lider ng Kamara.

Binanggit din ni Dy ang pag-apruba sa Free OFW Financial Education Act at sa panukalang batas na nagpapalakas sa batas laban sa illegal recruitment, kasama na rin ang ratipikasyon ng Presidential Merit Scholarship Program at ang pagtatatag ng National Geriatric Center.

“Ito ay tungkol sa isang pamahalaang marunong makinig, marunong kumilos, at higit sa lahat, marunong mag malasakit. Isang Kongresong hindi lamang naroroon kapag may problema, kundi kaagapay ninyo sa bawat yugto ng buhay.” 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *