KAHIT hindi na kasama sa impeachment charges ang akusasyon kay Vice President Sara Duterte sa maling paggamit ng confidential funds, posible pa rin mapanagot ang pangalawang pangulo batay sa paghahabol ng Commission on Audit (COA).

Giit ni Trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, hindi talaga ligtas si Duterte sa naturang kaso, at tiyak ang criminal conviction ng pangalawang pangulo base sa final notice of disallowance ng ipinalabas ng COA partikular sa P73.287 million confidential fund ng Office of the Vice President (OVP).

“Pinapasauli nila [COA] [yung pera]. That will only prove that there was really prima facie evidence of misuse of public funds to benefit one’s interest or oneself,” sabi pa ng Lanao del Sur solon.

Ayon kay Alonto Adiong, ang COA findings ay maaaring gamiting basehan para sa pagsasampa ng criminal cases laban sa bise presidente, na may posibilidad umano na ito ay masakdal.

Bunsod ng naging hakbang ng state audit agency, sinabi ni Alonto Adiong na napagtibay ang pagsusulong ng House prosecution ng Article I, subalit dahil nai-urong na ang reklamo, hindi na pwedeng hatulan ng impeachment court si Duterte sa naturang kaso.

Ani Alonto Adiong, ang desisyon ng prosekusyon na pag-atras sa tatlong impeachment articles ay para na rin sa mas mabilis na paghatol sa bise presidente, dahil isang impeachment charge na lamang ang sasagutin ng depensa at iigsi na ang araw ng paglilitis.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *