MULING pinaalala ni House impeachment adviser and trial spokesperson Ace Barbers hindi limitado sa pagsibak sa pwesto ang parusang nakasaad sa Saligang Batas sakaling mapatunayan “guilty” si Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Barbers, malinaw ang probisyon sa ilalim ng 1987 Constitution kung saan nakasaad na kaakibat ng “guilty verdict” sa nasasakdal ang parusang “perpetual disqualification” sa anumang pwesto sa pamahalaan — halal man o sa bisa ng “political appointment.”

Ginawa ni Barbers ang pahayag bilang reaksyon sa kumakalat na impormasyon sa social media na mayroon umanong nilulutong kasunduan kung saan tatanggapin ng bise presidente ang hatol na guilty subalit papayagan pa rin itong tumakbo sa 2028 presidential elections.

“Hindi po. Hindi po pwede ’yun,” bungad ng dating Mindanaoan solon.

“Hindi po pwedeng paghiwalayin ’yan. ’Yan po ang consequence ng isang proseso ng impeachment na kung saan ang respondent ay mape-penalize ng removal from office at saka perpetual disqualification from holding public office,” dugtong niya.

Naniniwala si Barbers na walang katotohanan ang nasabing nilulutong kasunduan dahil wala itong batayan at salungat sa adhikain ng pagsusulong ng pananagutan o accountability lalo na sa hanay ng mga matataas na opisyal ng pamahalaan.

Giit ng House impeachment adviser at trial spokesperson, malinaw na isinasaad ng Article XI, Section 3(7) ng 1987 Constitution na ang isang impeachment judgment may kaakibat na parusang “removal from office and disqualification from holding public office.”

Dagdag niya, maging ang Supreme Court (SC) ay kinikilala at pinaninindigan ang naturang kaparusahan sa desisyon ng senator-judges na pagkakaroon ng impeachment conviction.

Samantala, kumpiyansa naman si Barbers na makukuha ng House prosekusyon ang ninanais nitong paghahatol sa bise presidente, na mapanagot ito sa kinakaharap na impeachment case at patawan ng nasabing kaparusahan.

“Honestly, ang pakiramdam namin, we are confident that we can secure a conviction,” tahasang sabi pa ni Barbers.

“Bakit? Doon po sa aming nailatag na mga ebidensya, matibay at malakas po ang aming paniniwala na itong mga ebidensyang ito ay sumusuporta doon sa aming allegations na merong hindi maipaliwanag na yaman ang ating pangalawang pangulo at merong mga nalabag na mga provision sa ating Saligang Batas at merong nalabag na mga batas ang ating pangalawang pangulo,” dagdag niya.

“Kumpiyansa kami with all these evidences we presented at inilatag sa korte, naniniwala kami na ito ay makakakuha ng mayorya ng boto ng members ng impeachment court, mga senador.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *