PARA human rights lawyer Atty. Dino de Leon, lubhang nakakabahala ang  banta sa hanay ng mga mamamahayag na nag-uulat at pumupuna sa pamilya Duterte.

Ayon kay De Leon, co-convenor ng Bantay Senado na isang non-partisan citizens’ network na nakatutok sa Senate impeachment proceedings, patunay dito ang pagsasampa ni Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte ng kasong libelo at cyber-libel laban sa ilang media practitioners. 

“It will have, of course, a chilling effect, which is a Duterte trademark, making sure that they silence the media,” wika ng public interest lawyer.

Nitong Oktubre 23, naghain ng reklamong libel ang kongresista sa Davao City Prosecutor’s Office kontra kina National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag, former Police Officer Rodulfo Gracioso Jr., ilang opisyal at broadcast journalist ng GMA Network.

Kaugnay ito sa September 25 report ng 24 Oras news program ng GMA 7 kung saan ipinalabas ang interview kay Gracioso kung saan ibinunyag ng huli ang pagdedeliber umano niya ng male-maletang pera sa mga miyembro ng Duterte family.

Ang mas ikinatakot ni De Leon ay ang ginawang pag-aresto kay veteran journalist Philip Lustre Jr. batay sa warrant of arrest na inisyu ng Davao City City Regional Trial Court Branch 10, na nagkataon kasama niya sa ginaganap na weekly media forum sa Dapo Restaurant, Quezon City. 

Sa panayam ng ilang mamamahayag na nandoon sa lugar, sinabi ng 72-year mediaman na hindi niya alam na mayroong siyang kasong cyber-libel na kinakaharap sa lungsod na itinuturing na balwarte ng mga Duterte.

Si Lustre ang author ng librong “Kill, Kill, Kill,” na tumatalakay sa madugong war on drugs na ipinatupad ni former President Rodrigo Duterte.

Kasunod nang pagkakasaksi sa sorpresang pag-aresto kay Lustre, sinabi ni De Leon na handa siyang tumayong abogado ng una, partikular ang paghahain ng piyansa.

Mahigpit na nanawagan ang Bantay Senado co-convenor sa lahat ng mga mamamahayag na huwag matakot sa ginagawa ng mga Duterte at patuloy na mag-ulat tama.

“Ang payo ko sa mga mahal namin kasama sa media, huwag po kayong matakot na ipaglaban at ibalita ang katotohanan,” saad pa ni De Leon. 

“We cannot allow the Duterte political machine to return to power and place itself beyond the reach of the law.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *