BAGO pa ang itinakdang palugit ng Senate impeachment court, pormal nang naisumite ng House prosecution ang mga ebidensiya nito kaugnay sa pagsasakdal kay Vice President Sara Duterte.

Ito ang ipinabatid ni House impeachment adviser and trial spokesperson Ace Barbers kung saan nitong Miyerkules, Oktubre 21 o dalawang araw bago ang October 23 deadline ay naganap ang naturang paghahain ng mga ebidensya laban kay Duterte.

“We already filed yung ating formal offer of evidence nung, kung hindi ako nagkakamali, ito ay nung Wednesday. And this is days before the deadline,” ang sabi pa ni Barbers nang dumalo sa Saturday News Forum, sa Dapo Restaurant, Quezon City

Ayon sa former Surigao del Norte lawmaker, matapos ang formal offer of evidences’, ang panig ng depensa ay meron namang sampung araw na magsumite ng kanilang komento sa mga inihaing ebidensya ng prosekusyon.

“Hopefully, sana nga bago mag-resume (ang impeachment trial sa Nov. 9) ay nakapagbigay na rin sila ng kanilang comment dito sa ating formal offer of evidence,” dagdag niya.

Ang mga ebidensyang isinumite ng prosekusyon ay kaugnay na isinusulong nitong Article II, na may kaugnayan sa sinasabing unexplained wealth ng bise presidente, gayundin ang umano’y maling pagdedeklara nito ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at pagkakaroon ng ipinagbabawal na business interests.

Magugunita na nagdesisyon ang panig ng tagausig na bawiin ang tatlong impeachment articles na unang iniahin nito, na kinatigan naman ng Senate impeachment court.

Samantala, sinabi ni Barbers na nanindigan ang prosekusyon na dapat tanggapin ng Senate court ang lahat ng isinumite nilang mga ebidensya, na kinabibilangan ng documentary records at testimonya ng mga naisalang na saksi.

Kabilang dito ang bank certifications na nagpapakita ng combined year-end balances ni Duterte at mister na si Atty. Manases Carpio na P59.03 million noong 2022; P71.38 million naman sa sumunod na taong 2023; P22.25 million noong 2024 at P39.09 million nitong 2025 sa nasa 26 accounts sa walong bangko.

Gayundin ang mga ebidensya na sumusuporta sa findings ng financial forensic expert na si Atty. Alexander Cabrera, na batay sa naging testimonya nito ay idinetalye ang aabot umano sa P818 million hanggang P1.5 billion na unexplained wealth ng Duterte-Carpio couple.

“At lahat po ’yan ay related doon sa Article II, unexplained wealth, and other documentary evidence to support ‘yung analysis ng ating financial forensics expert, si Atty. Alex Cabrera,” sambit pa ni Barbers. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *