HINDI dapat mawala ang interes ng publiko sa pagtutok sa impeachment trial kay Vice President Sara Duterte at sa muling paglarga ng paglilitis matapos ang tatlong-linggong “break.”

Panawagan ni former Surigao del Norte Rep. Ace Barbers sa publiko, higit na subaybayan ang magiging mga susunod na kaganapan sa huling yugto ng paglilitis sa kasong kinakaharap ni Duterte.

Ayon kay Barbers na tumatayong House impeachment adviser and trial spokesperson, maaaring habang naka-break ang Senate court ay nabawasan ang atensyon ng publiko sa pagsasakdal sa bise presidente.

Kaya sa pagbabalik ng impeachment proceeding sa November 9, binigyan-diin ni Barbers na dapat muling hikayatin ang taumbayan na tunghayan mabuti ang paglilitis.

“Kung nag-wane out ang interest ng ating mga mamamayan, mas magandang imbitahin natin sila ulit na subaybayan itong impeachment trial pag-resume ng November 9,” sabi pa ng dating kinatawan sa Kamara ng Surigao del Norte.

“Importante ma-refresh sa kanilang mga memory ’yung mga inilatag na ebidensya,” dugtong ni Barbers.

Aniya, dapat na maging mapagmatyag ang taumbayan sa impeachment proceedings dahil ito ay isang constitutional accountability process partikular ang pagsusulong ng accountability o pananagutan sa hanay ng mga matataas na opisyal ng pamahalaan.

Tiniyak naman ni Barbers na hindi apektado ng tatlong linggo impeachment break ang momentum o sigla ng prosekusyon.

Sinabi rin ng House impeachment adviser and trial spokesperson na kumpiyansa sila na matibay ang nailatag na ebidensiya laban sa bise presidente partikular sa alegasyon ng unexplained wealth dito.

“Matibay at hindi basta-basta ito ma-dispute.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *