BINITBIT ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD), ang tatlong menor de edad na itinuturing na “Children in Conflict with the Law” (CICL) matapos masangkot sa serye ng panghoholdap sa Barangay Payatas, Quezon City. Ayon kay QCPD director, Brig. Gen Christopher Olazo, ang mga suspek na may mga edad na 15, 16 at 17 ay isinailalim sa ‘discernment’ alinsunod sa Juvenile Justice and Welfare Act. Sa imbestigasyon ni Lt. Col. Rowene Amata, hepe ng Payatas Bagong Silangan Police Station (PS 13) ng QCPD, naganap ang insidente bandang 8:45 ng gabi noong Oktubre 31, malapit sa isang basketball court sa Kalye Lanzones na sakop ng BArangay Payatas B. Naglalakad umano ang 14-anyos na biktima kasama ang dalawang kaibigan nang makasalubong ang tatlong menor de edad. Ilang saglit pa, isa sa mga menor de edad ang umano’y nanutok gamit ang distilyador. Sapilitan kinuha ng mga suspek mula sa biktima ang Samsung cellular phone na nagkakahalaga ng P16,000.00, at P500.00 na cash. Mabilis naman tumakbo ang mga kasama ng biktima at humingi ng tulong sa kanilang mga magulang, na siya namang nag-report ng insidente sa mga awtoridad ng barangay at sa PS 13. Sa follow-up nitong Linggo (Nobyembre 1), kusa namang isinuko ng mga magulang ang tatlong menor de edad sa pulisya at nabawi ang cellular phone ng biktima. Ang mga menor de edad ay isasangguni rin sa Quezon City Social Services Development Department (SSDD) para sa angkop na pagsusuri at interbensyon, alinsunod sa mga umiiral na batas at pamamaraan. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Banyaga hinatulan ng ‘life’ sa P18-M drug smuggling