HINDI makakalusot sa senado ang nasa P8.8-bilyon halaga ng “line items” sa ilalim ng panukalang budget para sa Department of Public Works and Highways (DPWH). Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Senate President Sherwin Gatchalian ang isinusulong na alokasyon para sa 295 infrastructure projects sa susunod na taon. Garantiya ng lider ng senado, walang makukuha maski piso ang 295 infrastructure projects na umano’y isiningit ng ilang kongresista ng Kamara kahit walang kaukulang dokumentasyon. “Buo ang commitment ng Senado sa pag-aalis ng mga line items na walang sapat na batayan, kabilang ang mga walang konkreto at mapapatunayang suportang teknikal, upang matiyak na bawat item sa pinal na bersyon ay handa nang simulan,” pahayag ni Gatchalian. “Ang mga line items na ito ay hindi makatatanggap ng kahit isang piso ng pampublikong pondo,” diin pa niya. Ginawa ni Gatchalian ang pahayag kasunod ng isang liham mula kay dating DPWH Secretary Vince Dizon na nagbunyag na 295 proyekto ang natuklasang “non-compliant” batay sa pagsusuri ng ahensya. Sa naturang evaluation, walong uri ng “red-flags” ang inilahad ni Gatchalian sa pagdinig ng Senado sa panukalang badyet ng DPWH para sa 2027. Ani Gatchalian, higit sa 62 percent o 7,107 proyekto mula sa kabuuang 11,395 infrastructure projects na sinuri ng kanyang tanggapan ang nakitaan ng red flags. “Malinaw ang mandato ng Senado, kung walang kaukulang dokumento, walang pondo. Kailangan nating siguruhin na walang puwang ang pang-aabuso sa kaban ng bayan lalo na ngayon mahina ang usad ng ekonomiya at importante ang bawat piso para pasiglahin muli ito,” pahabol ni Gatchalian. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Dagdag-sahod sa probinsya, tiniyak ng Malakanyang ‘Bargain hunting,’ sagot ng Palasyo sa mahal na bilihin