SA pagnanais pagtibayin ang tiwala ng publiko sa Kongreso, pormal na inilunsad ng Kamara ang isang online platform kung saan ilalantad sa publiko ang mga impormasyon hinggil sa mga proyekto at programang isinusulong ng bawat mambabatas.

“The 20th Congress is a Congress of reform. Ito ang Bagong Kongresong patuloy nating pinagsisikapang makamit.” pambungad na pahayag ni House Speaker Faustino Dy III.

“We want our people to have access to accurate information and this transparency platform delivers a loud and clear message: Wala pong tinatago ang Kapulungan ng mga Kinatawan,” dugtong ni Dy sa isang talumpati kasabay ng muling pagbubukas ng plenary sessions.

“The process of passing the budget, through coordination and consultation, livestreamed committee hearings, open dialogue, and the development of a transparency platform will prove beyond any doubt that the 20th Congress represents genuine reform.” Dagdag niya.

Ayon sa lider ng Kamara, sa naturang platform makikita ang mga detalye ng mga proyekto ng lahat ng kongresista gaya ng project name, location, funding allocation, at completion status. 

Paglilinaw ni Dy, hindi na bago ang naturang online portal. Ang tanging bago aniya ay ang pagbubukas ng nasabing platform para mabusisi ng publiko.

“Karapatan ng bawat isa na malaman kung saan napupunta at mapupunta ang bawat sentimong inyong pinaghihirapan at bawat buwis inyong binabayaran,” dagdag ng lider-kongresista.

Samantala, inatasan ni Speaker Dy ang oversight committees na alamin kung ang bawat department at agencies ay nagamit ang 2026 allocations batay sa partikular na layunin at itinakdang araw o petsa ng pagtatapos.

“Muli nating suriin kung ang mga pondong ating inilaan at inaprubahan sa 2026 ay ginamit nang tama, at kung ang mga ito ay nagamit sa takdang panahon.” 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *