KASABAY sa pangakong ibayong pagtutuunan ng pansin ang sektor ng agrikultura, sinusiri ng Kamara ang kahandaan ng iba’t-ibang ahensya sa magiging epekto ng pinangangambahang Super El Niño. Sa isang kalatas, tiniyak ni Speaker Faustino Dy III na mabibigyan ng kaukulang tulong ang mga magsasaka at mangingisdang nanganganib ang kabuhayan dahil sa nakaambang matinding tagtuyot. Garantiya ni Dy, babantayan din ng Kamara ang bilis o kupad ng tugon ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan sa mga apektado ng nasabing weather phenomenon. Tiniyak din ng lider ng Kamara ang paglalaan ng karagdagang pondo para sektor ng agrikultura. Noong nakaraang linggo, nagsagawa aniya ng pagdinig ang Kamara “upang suriin at paigtingin ang paghahanda ng pamahalaan sa inaasahang El Niño dahil mahalaga na mabigyan ng agarang tulong ang ating mga magsasaka at mangingisda.” “Personal kong hiniling na tutukan ng komite ang usaping ito dahil alam natin kung gaano kabigat ang epekto ng tagtuyot sa kabuhayan ng ating mga kababayan,” dagdag ng kinatawan ng Isabela sa Kamara. “Kapag natutuyo ang palayan o kapag hindi makapalaot ang ating mga bangka, kapag nawawala ang kita ng isang magsasaka at mangingisda, hindi puwedeng puro plano at pangako ang ating sagot. Kailangan nilang maramdaman ang tulong ng gobyerno habang may panahon pa para maisalba ang kanilang kabuhayan,” aniya pa. Sinabi ni Dy na dinagdagan ng Kamara ang pondo para sa iba’t-ibang agricultural programs bilang paghahanda sa El Niño sa bersyon nito ng panukalang 2027 national budget. “Sa pagrepaso natin sa panukalang budget, sinuri natin nang mabuti kung aling mga programa ang nangangailangan ng karagdagang suporta at kung aling mga alokasyon ang maaaring hindi magamit nang buo sa takdang panahon,” aniya pa. “Kaya isinulong natin ang mga amendments para lalong madagdagan ang pondo para sa mga programa ng edukasyon tulad ng scholarships at school safety programs; para sa sektor ng kalusugan lalong-lalo na ang medical assistance; at para sa agrikultura, upang makapaghanda laban sa banta ng El Niño.” Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation 1,500 Pinoy inaalipin sa Myanmar bilang scammer Pinaigting na kampanya kontra scam hubs, giit ng solon