SA pagnanais bigyang-linaw ang masalimuot na usapin ng “conflict of interest,” pormal na pina-subpoena ng Senate impeachment court ang bank checks at iba pang dokumentong may kinalaman sa P2.14-milyong kita ni Vice President Sara Duterte sa GenCorp Industries Inc. Ayon kay Senator-Judge Erwin Tulfo, higit na angkop busisiin ang mga impormasyong ibinahagi ni Atty. Suzette Balucanag-Punay na tumatayong in-house counsel ng kumpanyang pinagmulan ng kita ni Duterte. Sa pagpapatuloy ng pagdinig, kinatigan ni Impeachment court presiding officer Francis Escudero ang hirit ni Tulfo kay Punay na magsumite ng kopya ng cancelled checks, vouchers at iba pang dokumento hinggil sa perang tinanggap ni Duterte sa Gencorp mula taong 2022 hanggang 2025. Inatasan din ni Escudero ang clerk of court na maglabas ng subpoena para sa tsekeng tugma sa nabanggit na halaga at maging ang mga aniya’y accountant-signed payment summary. Inatasan din ng korte ang accountant o accounting department ng GenCorp magpaliwanag kung paano naitala sa financial records ng kumpanya ang mga binayad kay Duterte. Sa testimonya ni Punay, inamin ng testigo ang pagbabayad ng kabuuang P2,142,369.14 katumbas ng kita ni Duterte sa GenCorp mula 2022 hanggang 2025. Ang naturang halaga aniya ay “return of capital” mula sa “loose investment” ni Duterte sa Jollibee Times Square branch sa Davao City na ino-operate ng GenCorp. Gayunpaman, nilinaw ni Punay na hindi shareholder ng kumpanya si Duterte base sa kanilang General Information Sheet (GIS) na isinumite sa Securities and Exchange Commission (SEC). Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation BOC lilinisin ni Mendoza, Nepomuceno sa BCDA Senate impeachment trial kay Sara taympers muna