Ni Lily Reyes
POSIBLENG makasuhan sa paglabag ng mga ipinatutupad na regulasyon ng Commission on Election (Comelec) ang dating kapitan na tumakbo uli para sa posisyon nang harangin kasama ang anak na abogada at mga tagasuporta ang mga canvassers na maghahatid ng mga ballot boxes sa Quezon City Hall Martes ng madaling araw.
Kinilala ang mga suspek na sina Jesus “Jun” Lipinica Jr., dating kapitan ng Barangay Pinyahan, Quezon City; anak niyang si Atty. Mary Joan Lipinica, kapwa residente ng No. 17 Mapagbigay St., Bgy. Pinyahan, at ilan pang mga sinasabing tagasuporta ng matandang Lipinica.
Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Kamuning Police Station 10, bandang 2:40 ng madaling araw (Oktubre 31) nang maganap ang insidente sa Pinyahan Elementary School na matatagpuan sa kanto ng Mabilis at Masigasig Sts., Diliman, Quezon City.
Sa imbestigasyon ni P/CMS Wilmore M Bataanon, kasama ang kanilang mga tagasuporta na sinasabing pawang amoy alak, dumating sa Pinyahan Elementary School ang dating kapitan at ang anak na abogada.
Hinarang ng mga suspek at ng kanyang mga tagasuporta sa harap ng paaralan ang public utility vehicle na service vehicle (TYV-531) ng mga tauhan ng Comelec na pinamamahalaan ni Renato Paguirigan.
Pinipigilan at inaantala umano ng kapitan, abogada at mga tagasuporta nito ang mga canvassers sa paghahatid ng mga ballot boxes sa Quezon City Hall.
Sa gitna ng kaguluhan, sumigaw pa umano ang dating kapitan ng “Wag palabasin yan! Harangin ang sasakyan na yan” na sinundan ng anak na abogada at ng kanilang mga tagasuporta.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Kamuning Police Station 10, at napakalma ang kaguluhan at natuloy ang paghahatid ng mga balota sa Quezon City Hall. Napag-alaman na natalo sa bilangan ang dating kapitan sa idinaos sa halalan noong Lunes.
Masusi namang imbestigasyon ng pulisya ang nasabing insidente.
