Ni Lily Reyes
UMABOT na sa siyam katao ang namatay sa naganap na 6.8 magnitude na lindol sa katimugang bahagi ng bansa.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, kabilang sa mga nadagdag na nasawi ang isang ina at 7-anyos nitong anak sa bayan ng Glan, sa lalawigan ng Sarangani.
Isa namang babae ang pumanaw matapos mahulugan ng nabitak na bahagi ng isang mall. Patay rin ang magka live-in nang madaganan ng bumigay na pader sa General Santos City.
Sa Davao Occidental, isang dambuhalang rock boulder ang tumapos sa buhay ng isang matandang lalaki sa loob mismo ng kanyang tahanan.
Sa record ng NDRRMC, nasa 15 ang nasugatan habang 12,900 katao ang naapektuhan ng mga nasirang gusali, at pagkawala ng kuryente.
Aabot naman sa 800 mga bahay ang nasira, 118 naman ang eskwelahan, gusali, at government facilities.
