ISANG pekeng Army official at dalawang kasama nito ang inaresto matapos umano silang makuhanan ng 38 na malalakas na armas, mga magazines at libu-libong bala sa isinagawang pagsalakay ng awtoridad sa Barangay Langkiwa, Biñan City nitong Sabado ng hapon.
Kinilala ang mga naaresto na sina Jose Francisco Ramos III, mga kasamahang sina Mark Sales at Darwin Regonis na kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Sa ulat, sunud-sunod na ni-raid ng Criminal Investigation and Detection Group-Calabarzon bitbit ang limang search warrant na inisyu ni Agripino Bravo, Executive Judge ng RTC Lucena City, Quezon, ang mga bahay ni Ramos at isa pang bakanteng lote na ginagamit nilang training ground sa Amsterdam St. ng Town and Country place nitong Sabado ng alas-10 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon.
Nang dumating ang raiding team, nagpakilala si Ramos na opisyal ng Philippine Army na may ranggong Lt. Colonel at nakatalaga sa Joint Task Force-National Capitol Region (JTF-NCR)-AFP. Aniya ang kanyang training center ay affiliated o connected sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Philippine Wildlife Sentinel Unified Command (PWSUC).
Pero sa beripikasyon ng CIDG-Laguna, nadiskubre nilang hindi totoo ang mga sinasabi ni Ramos.
Ayon sa DENR4A, ang PWSUC na itinayo ni Ramos ay hindi affiliated o konektado sa anumang ahensya ng gobyerno bilang Deputized Wildlife Enforcement Officers (WEOs).
Kinumpirma rin ng JTF-NCR at 1303rd Community Defense Group na si Ramos ay hindi AFP official o reservist at walang “record of assignment” o anumang assignment sa OPCOM bilang officer sa rooster ng troops ng JTF-NCR AFP.