HAYAGANG inamin ng Department of Justice (DOJ) na may cover-up sa kasong kaugnay ng 34 missing sabungero matapos maglabas ng resolusyon ang korte sa pagpapalaya ng mga akusado sa patong-patong na kaso.
Gayunpaman, tiniyak ni Assistant Secretary Mico Clavano na tumatayong tagapagsalita ng DOJ, na hindi bibitawan ng ahensya ang kasong patuloy aniyang kinakalkal ng National Bureau of Investigation (NBI), kasama ang Philippine National Police (PNP).
Pag-amin ni Clavano, komplikado ang isinasagawang imbestigasyon ng NBI at PNP.
“The investigation into other missing individuals is still ongoing. The PNP and NBI have collaborated to conduct a thorough investigation and continue building the case.”
Una nang inulan ng batikos ang Manila Trial Court matapos payagan makapaglagak ng piyansa ang anim na akusado sa mga kasong pasok sa kategorya ng “heinous crimes” na batay sa umiiral na batas ay pawang “non-bailable offenses.”
Samantala, nakiusap ang DOJ official sa mga naulila na habaan pa ang pasensya at pag-unawa kasabay ng pangakong hindi titigil ang departamento hanggat hindi pa nakakamtan ang hustisya.
“As Secretary Crispin Remulla emphasizes, we need to be patient because there are many coverups and layers involved. This issue is highly complex, so we must stay patient. Rest assured, our law enforcers are working daily to strengthen the case,” dagdag pa niya.
Nakatakda naman aniyang magkaroon ng case conference ngayong Enero para bigyan ng update sa mga pamilya ng mga nawawalang kaanak.
