MATAPOS magpasaring sa napipintong pagtakbo bilang senador sa gitna ng panggigipit sa anak na bise-presidente, biglang kambyo si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa maugong na pagbabalik-pulitika.
Ayon kay Duterte, retirado na siya sa pulitika at wala nang balak pang sumabak sa 2025 midterm election.
“I am telling you the truth, wala na ako. Maski gusto ko man, pero hindi na kaya ng katawan ko. Why do I have to make some pretensions here?” pahayag ni Duterte sa isang pulong-balitaan sa Davao kamakailan.
Para sa 78-anyos na dating Pangulo, nakakaumay na ang pulitika – “No more politics for me. I’m retired. Retired na talaga ako. I’m tired. Ayoko na ng politika. Hindi naman ako nasusuka. I find it disgusting for me to still meddle in politics.”
Buwan ng Nobyembre ng nakaraang taon nang hayagang sabihin ni Duterte ang planong pagtakbo bilang senador matapos sumingaw ang balita tungkol sa ginagapang na impeachment case laban sa anak na si Vice-President Sara Duterte kaugnay ng kontrobersyal na confidential and intelligence funds.
Gayunpaman, isang kaalyado ng dating Pangulo ang nagsabing estilo na ni Duterte ang magpakipot – “di ba ganun din ang taktika niya nung 2015? Sabi niya nun, ayaw niyang tumakbong presidente, peror ano nangyari?”
