PATAY ang tatlo katao – kabilang ang dalawang salarin, habang sugatan naman ang isa pa matapos pagbabarilin ng dalawang armadong lalaki ang punong bulwagan ng Barangay Bahay Pare sa bayan ng Meycauayan sa lalawigan ng Bulacan.
Sa ulat ng Meycauayan Police, kabilang sa mga nasawi ang tanod na nakapwesto sa harapan ng barangay hall.
Kwento naman ng rumorondang pulis, agad nilang tinungo ang barangay hall bunsod ng narinig na putukan. Pagdating sa nasabing lugar, inabutan pa di umano ng mga rumespondeng pulis ang mga salarin.
“Palabas ng barangay at pinuputukan pa ‘yung barangay hall. Noong paalis na sila, nagkita na kami so gumanti na kami ng putok,” ayon kay Meycauayan Police chief Capt. Jocel Calvario.
Nagtangka din aniyang tumakas ang mga suspek na kapwa napaslang sa palitan ng putok – “Wala kaming magagawa kundi gumanti. Kahit sino naman kapag sasaktan ka, sa ganoong sitwasyon wala kaming magagawa kundi pumutok.”
Gayunpaman, hindi sinasadyang mahagip ng putukan ang isang bystander na mabilis na isinugod sa pagamutan.
Ayon sa isang saksi, bigla na lang umanong may nagpaputok at nag-utos sa lahat na dumapa. Wala rin aniyang ng tigil ang pagputok ng mga baril na tinamaan ang mga salamin, pintuan, at furniture ng ilang kuwarto sa barangay hall.
Tumagal aniya ng tatlong minuto ang pagpapaputok ng dalawang armado bago dumating ang mga pulis.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng paglusob ng mga armadong suspek sa barangay hall.
Narekober ng mga pulis ang dalawang kalibre 45 mula sa mga nasawing suspek.
