Ni Estong Reyes
HINDI na kaya pang itanggi ni House Speaker Martin Romualdez na siya ang promotor ng peoples initiative sa kanayunan upang amyendahan ang Saligang Batas na lulusaw sa kapangyarihan ng Senado na bomoto nang hiwalay sa Constituent Assembly (ConAss)
Sa pahayag, sinabi ni Senador Chiz Escudero na hindi na puwede pang magsalita si Romualdez na ignorante siya sa signature campaign na inilunsad ng Mababang Kapulungan upang amendahan ang 1987 Constitution dahil may resibo na video sa kanyang pag-endorso ng peoples initiative.
Umani ng pagbatikos ang peoples initiative ni Romualdez dahil nangangalap ng lagda ang “inutusang” kongresista kapalit ang halagang P100 ayuda gamit ang P20 milyon pondo kada distrito.
Ayon kay Escudero, ipinakikita ng isang video noong nakaraang Disyembre 11 sa ginanap na Philippine Economic Briefing sa lalawigan ng Iloilo, matikas na ipinagmalaki ni Romualdez ang plano na isulong ang peoples initiative upang amendahan ang 37 taong gulang na Saligang Batas.
“We are thinking right now of addressing the procedural gap or question on as to how we amend the Constitution. We will highly recommend that we embark on a people’s initiative to cure this impasse, so to speak, on how we vote. And I hope we can undertake this as soon as possible, so we could have some clarity on the procedures,” ayon kay Romualdez, banggit ni Escudero sa video.
“So, we would like to amend the Constitution vis-à-vis how we procedurally amend the same. And that’s either we vote jointly or separately, we would like to have the result by and through People’s Initiative,” patuloy pa ni Romualdez.
Bilang tugon, sinabi ni Ecudero na hindi ito peoples initiative kundi politicians initiative.
“How can Speaker Romualdez deny he is not behind this ‘pekeng initiative’ when he bragged about it last December and took credit for it?” ni Escudero sa kanyang X (formerly Twitter) account, na ipinakita ang 45-second video clip ni House Speaker Romualdez na nagsasalita hinggil sa plano nito sa Charter change (ChaCha) noong Disyembre.
“History has taught us that nothing good comes out from anything that begins with a lie,” ayon sa Bicolano senator.
Nitong Enero 23, nagpalabas ng matinding manipesto ang Senado na nilagdaang ng 24 senador na nagbabasura sa isinusulong ng charter change ng Mababang Kapulungan sa pangunguna ni Romualdez sa pamamagitan ng PI dahil nababalot ito ng korapsiyon at lagayan sa pagbili ng lagda sa halagang P100.
