October 25, 2025

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

YULO KING RANCH SA PALAWAN, HINDI KASALI SA CARP?

MATAPOS ang mahigit tatlo’t kalahating dekada, tuluyan nang natuldukan ang laban ng mga magsasaka para sa kanilang karapatan sa binubungkal na lupa sa mga bayan ng Coron at Busuanga.

Oops, teka lang… wag muna tayo magsaya lalo pa’t bigo ang mga magsasaka. Sa madaling salita, habambuhay man nila bungkalin ang lupang sinasaka, hinding-hindi pa rin magiging kanila.

Maski ang Republic Act 6657, na mas kilala bilang Comprehensive Agrarian Reform Law, hindi kayang pwersahin ang pamilyang pilit na umaangkin sa tinatawag na Yulo King Ranch – isang hasyendang halos sinlaki ng Metro Manila.

Ayon sa isang career official ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ganap nang ibinasura ang hiling ng mga magsasaka na ipamahagi sa kanila ang 8,000-ektaryang bahagi ng Yulo King Ranch, halaw sa pangalan ng isa sa mga crony ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos Sr.

Gayunpaman, handa naman daw ipaubaya ng DENR ang nasa 2,000 ektarya ng nasabing hacienda.

Ang totoo, hindi pa rin makikinabang ang mga magsasaka dahil ang tinutukoy na 2,000 ektaryang lupain ay matagal na palang iginawad sa isang dambuhalang kumpanyang itinaguyod at pinaniniwalaang pagmamay-ari ng isang Cabinet Secretary. 

Para mas maliwanag, balikan natin ang nakaraan. Taong 1975 nang lagdaan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang Proclamation No. 1387 na nagdeklara sa Yulo King Ranch bilang isang pastulan.

Matapos patalsikin sa Palasyo ang diktador, kanilang ang Yulo King Ranch sa mga na-sequester ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) sa paniwalang isa ang naturang hacienda sa mga Marcos ill-gotten wealth.

Isinailalim ang pangangasiwa ng Yulo King Ranch sa Bureau of Animal Industry (BAI). Sa nasabing panahon ginawang Breeding and Experimental Station ang naturang hacienda.

Taong 2008 naman nang pirmahan ng noo’y Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Presidential Proclamation 2057, na nagbibigay pahintulot sa Philippine Forest Corp. (Philforest) na pangasiwaan ang lupang una nang idineklara ni Marcos Sr. bilang pastulan.

Sa ilalim ng Presidential Proclamation 2057 ni Arroyo, ginawa na lang dekorasyon ang PCGG at BAI. Katunayan, inatasan ni Arroyo ang BAI na ibigay sa Philforest ang lahat ng mga dokumento (kasama ang mga titulo ng lupa), kagamitan at iba pang meron ang Yulo King Ranch.

Taong 2010 nang pumasok sa eksena ang Korte Suprema. Tinanggal sa talaan ng mga sequestered properties ang Yulo King Ranch na noon pala’y target nang ibenta sa pribadong kumpanya.

Nang umupo bilang Pangulo si Noynoy Aquino, biglang nag-eskandalo si dating Philforest President Jun Lozada. Kinumpirma ni Lozada na naigawad na sa New San Jose Builders Inc. ang 2,000 ektaryang lupa sa loob ng Yulo King Ranch.

Sadya nga kayang pinaasa lang ang mga magsasaka? O baka naman maniobra lang yan ng fashionistang haciendera na kamag-anak daw ng mga Araneta?

Teka, ano nga ulit ang apelyido ng First Lady sa pagkadalaga?