MATAPOS ang limang buwan, tuluyan nang sinibak ang 10 pulis na nakatalaga sa Southern Police District (SPD) matapos sampahan ng mga kasong administratibo bunsod ng di umano’y illegal raid, arbitrary detention sa mga inarestong Chinese nationals sa Paranaque City noong Setyembre ng nakaraang taon.
Base sa dismissal order na inilabas ng National Capital Region Police Office (NCRPO), sibak sa tungkulin sina Police Lt. Jolet Guevarra, hepe ng District Special Operations Unit, ng Southern Police District (DSOU-SPD), Police Major Jason Quijana, Deputy ni Guevarra; Police Major John Patrick Magsalos, Station Commander ng Police Station 2, Tambo Paranaque City; Police Capt. Sherwin Limbauan; PEMS Arsenio Valle; PSSg Mark Democrito; PSSg Danilo Desder Jr.; PSSg Roy Pioquinto; PSSg Christian Corpuz at Police Cpl. Rexes Claveria.
May bisang Pebrero 12 ang dismissal order sa mga nasabing opisyal ng pulisya.
Alegasyon ng mga banyagang Tsino sa mga nasibak na pulis, ninakaw di umano ng raiding team ang milyon-milyong pisong laman ng vault na natagpuan sa isang POGO hub sa Parksuites Condo sa Barangay Tambo sa Paranaque City nitong Setyembre 2023.
