MATAPOS ang ultimatum na itinakda ng pananatili ng Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) at electronic bingo (e-bingo), tluyang ipinasara ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang iba pang kahalintulad na establisyemento sa nasasakupang teritoryo.
Naglabas na rin ng direktiba si Sotto sa Bureau of Permit and Licensing Division na makipag-ugnayan sa Pasig City Police sa hangaring walisin ang mga negosyong walang mabuting dulot sa lipunan.
Sa pag-iikot ng BPLD at Pasig City Police, ikinandado ang 18 iba pang establisyemento – “To be fair to these businesses, we gave them one year, 2023, to wind up their operations pursuant to Ordinance 55 s. 2022,” ayon sa alkalde.
Sa kanyang unang termino bilang alkalde sinimulan ni Sotto ang paglilinis ng lungsod matapos ipasara ang isang POGO na nakarehistro bilang Business Process Outsourcing (BPO) firm.
Nilinaw ni Sotto na hindi kasali ang mga sangay ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na passive gaming na tulad ng Lotto.
