SA kabila ng babala ng Senado, hindi pa rin lumutang ang kontrobersyal na si Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC). Ang dahilan – nakapuslit na siya patungo sa ibang bansa.
Sa isang eksklusibong panayam, kinumpirma ng isang senador na ayaw pabanggit ng pangalan na mayroon na rin ikinasang imbestigasyon para alamin kung paano nagawa ni Quiboloy lumipad palabas ng bansa nang hindi namamalayan ng pamahalaan.
Duda ng senador, may kasabwat si Quiboloy sa ilang ahensyang may kinalaman sa immigration at aviation.
Nang tanungin kung saad nagtungo si Quiboloy na nagsilbing presidential spiritual adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang tangi niyang tugon – “We heard he’s now in China but we have yet to receive confirmation.”
Nasa wanted list ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ng Estados Unidos si Quiboloy kaugnay ng patong-patong na kaso ng panghahalay at pang-aabuso sa mga babaeng menor de edad na miyembro ng KOJC.
Bago pumutok ang balita sa paglisan ni Quiboloy, makailang ulit na nagpadala ng imbitasyon kay Quiboloy ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality na nangangasiwa sa imbestigasyon kaugnay ng mga paratang na nagdadawit sa kanya sa large-scale human trafficking, rape, sexual violence, at child abuse.
