Ni JAM NAVALES
KUNG hindi pa sa ingay ng Kamara, posibleng hindi pa kikilos ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na tugunan ang hiling na bayaran ang bilyon-bilyong pagkakautang ng naturang ahensya sa mga doktor at pribadong pagamutan.
Ayon kay AnaKalusugan partylist Rep. Ray Reyes, malaking bentahe ang suporta ni House Speaker Martin Romualdez sa usapin ng kapalpakan ng state insurer.
“Nagbunga din kahit papaano ang ipinaglaban natin sa Kongreso at nagpapasalamat tayo na suportado tayo ni Speaker Romualdez sa adhikain natin,” pahayag ng pro-health advocate lawmaker.
Gayunpaman, hindi pa tapos ang laban ayon sa kongresista, kasabay ng paglalahad ng iba pang problema, kabilang ang hirit na pagpapalawak ng serbisyo, at reporma sa tinaguriang ‘payment of claims.’
“Pero hindi pa tapos ang laban. Palagay namin marami pang mabibigay na benepisyo ang Philhealth alinsunod sa pagpapatupad ng Universal Healthcare Law,” giit ni Reyes.
“Ngayong nasettle na nila ang kanilang mga bayarin sa mga ospital, dapat siguruhin nilang hindi na muling magkaroon ng ganitong aberya para di maantala ang serbisyong pangkalusugan ng ating mga kababayan,” hirit pa ni Reyes.
Una nang nanawagan si Reyes sa Philhealth na gamitin ang excess funds nito na umabot sa halagang P200 billion para makapagbigay ng maayos na healthcare services sa sambayanan.
Nais din ng mambabatas na gawing simple ng health insurance agency ang validating process at maging madali para sa lahat ng mga miyembro nito na makatanggap ng kanilang serbisyo.
“Dahil sa pagtaas ng Philhealth premium, umaasa din ang ating mga kababayan ng mas mataas na healthcare coverage,” sabi pa ni Reyes.
“Dapat pagtuunan ito ng pansin ng Philhealth at ibigay sa bawat Pilipino ang serbisyo na dapat sa kanila,” pagtatapos ng kongresista.
