HAYAGANG inakusahan ni Davao City Mayor Baste Duterte si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng pambubudol sa mga Pilipino, partikular sa pangakong pagsusulong ng P20 kada kilong bigas para sa sambayanang Pilipino.
“Alam niyo ba kung ano ang mas nakakatawa? Nagsinungaling si Marcos tungkol sa P20 per kilo ng bigas. Scam ito,” hirit ng alkaldeng anak ni dating Pangulo Rodrigo Duterte sa dinaluhang candlelight prayer rally Cebu City kamakailan.
Bago pa man idinaos ang naturang pagtitipon sa Cebu, nagpaliwanag si Marcos hinggil sa usapin ng mataas na presyo sa bentahan ng bigas sa merkado. Ani Marcos, di lang naman aniya sa Pilipinas mahal ang presyo ng bigas kundi maging sa ibang bansa.
“Hindi natin maiiwasan na makita, talagang nagiging problema ang pagtaas ng presyo ng bigas dito sa Pilipinas. Pero, kung titignan po natin kahit na yung mga nag-i-export na mga bansa ay tumataas din ang presyo nila, halos katumbas lang ng pagtaas dito sa Pilipinas,” bulalas ng Pangulo.
Unna nang inamin ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. noong Nobyembre ng nakalipas na taon na imposible ibalik sa antas ng P20 kada kilo ang presyo ng bigas sa merkado.
“The P20 per kilo was an aspiration. The problem [is] we are now at a 15-year high [in] world market [prices]. What was previously at $230 per ton in Vietnam, today it’s $700 per ton. Today, it is not possible,” ayon sa Kalihim.
“The problem around the world is so complicated. There’s climate change, El Niño is now here and it will continue until the middle of next year. Anything can happen. We don’t know when there will be another war in other places, and we don’t know if a ship will get stuck in the Suez Canal,” dagdag pa ni Laurel.
