
MATAPOS ang malagim na trahedyang kumitil sa buhay ng mahigit 100 katao, walang ginawang aksyon ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), ayon kay House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo.
Sa hangarin panagutin ang mga aniya’y protektor ng Apex Mining sa bayan ng Maco sa lalawigan ng Davao de Oro, partikular na target ni Tulfo ang mga opisyal ng DENR at Mines and Geosciences Bureau (MGB) sa likod ng iginawad na permit sa isang lugar na klasipikadong “no build zone.”
“Ibig sabihin, wala na dapat istruktura dyan. Wag ka na magpatayo. Kung meron man dyan, paalisin mo mga tao. Eh di ngayon 98 ang patay. Anong gagawin natin? Kakalimutan natin? Ibabaon natin sa limot?”
Aniya, pagpapaliwanagin ng Kamara ang DENR sa isasagawang imbestigasyon ng House committee on disaster resilience sa Martes, Marso 12.
“February ho ito nangyari before Valentine’s. Ngayon ho ay 98 na ang patay sa Maco, Davao De Oro, tapos meron pa pong eight missing. So, mag-iisandaan na ito. Wala hong ginawa ang DENR, wala ring pong ginawa, wala kang narinig sa MGB. So ibig sabihin, may problema ho rito,” giit ni Tulfo.
“Kaya minsan napupulaan ang gobyerno ng mga kababayan natin. Napakakupad, napakatagal, ngayon ko nararamdaman na pag nasa gobyerno ka, parang slow motion yung galawan. Unlike pag nasa media tayo, gusto natin may follow-up kaagad. Pag sa gobyerno, parang slow motion,” dagdag ng kongresista.