Ni JIMMYLYN VELASCO
KATULAD ng polisiyang pinairal noong nakaraang taon, muling pahihintulutan ng Department of Education (DepEd) ang mga lokal na pamahalaan magpasya kung nararapat magsuspinde ng face-to-face classes bunsod ng sukdulang init na dala ng panahon.
Ayon kay DepEd Assistant Secretary at Deputy Spokesperson Francis Bringas, malayang makapagpapasya ang mga alkalde ng mga lungsod at munisipalidad na magsuspinde ng klase kung inaakalang malalagay sa peligro ang mga estudyante sa matinding init na dulot ng El Nino phenomenon.
“Last year meron nang situation na ganito at nakapag-issue na tayo ng directives last year para sa mga field offices na maaaring mag-suspend ng face to face classes…kung sobrang init na talaga ang nararamdaman sa kanilang mga school,” ani Bringas bilang reaksyon sa desisyon ni Bacolod Mayor Albee Benitez na kanselahin ang face-to-face classes sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa nasasakupang lungsod kasunod ng government weather bureau forecast hinggil sa mataas na heat index noong Marso 11 hanggang 12.
Gayunpaman, nilinaw ni Bringas na patuloy ang pag-aaral sa paraan ng modular distance learning.
Bukod sa mga alkalde, pasok din umano sa mga pinapayagan magsuspinde ng face-to-face classes ang mga school heads batay sa heat index forecast ng state weather bureau.
“Yung PAGASA meron silang ginagamit na scale at pag umabot na sa scale na masyado ng mainit, kinakailangan na nilang mag-suspend,” pagtatapos ng DepEd official.
