SA halip na matinag sa kabi-kabilang pagkatig ng iba’t-ibang bansa sa posisyon ng Pilipinas hinggil sa usapin ng West Philippine Sea, mas dumami pa ang mga sasakyang dagat ng bansang China sa karagatang pasok sa 200-nautical mile exclusive economic zone ng bansa.
Pag-amin ng Armed Forces of the Philippines (AFP), nadagdagan ang bilang ng mga namamataang barko ng China sa bahagi ng Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal sa West Philippine Sea.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, nagsimula ang pagdaming muli ng mga Chinese vessels nito lamang nakalipas na araw ng Martes. Katunayan aniya, may walong Chinese Maritime militia vessels at anim na barko ng Chinese Coast Guard ang namataan malapit sa Bajo de Masinloc.
Gayunpaman, nilinaw ni Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea, Commodore Roy Vincent Trinidad na hindi polisiya ng kanilang sangay ng hukbong sandatahan gumawa ng ispekulasyon hinggil sa pagdami ng mga barko ng China sa nasabing lugar.
Para kay Trinidad, sadyang kailangan lang maging mas mahigpit sa pagbabantay ang kanilang hanay sa bawat galaw ng China sa nasasakupang karagatan ng bansang Pilipinas.
Pagtitiyak ni Trinidad, hindi magpapadehado ang Pilipinas sa aniya’y walang humpay na panunuwag ng China sa mga sasakyang dagat ng Pilipinas.
