KANSELADO ang lahat ng pulong ay mga dadaluhang pagtitipon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga susunod na araw, matapos di umanong tamaan ng ‘flu-like symptoms’ ang punong ehekutibo at kabiyak na si Atty. Liza Araneta Marcos.
Paglilinaw ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil, wala naman aniyang dapat ikabahala ang publiko lalo pa’t ‘stable’ naman di umano ang vital signs ng First Couple.
Gayunpaman, mahigpit ani Garafil ang bilin ng doktor na magpahinga muna ang Pangulo at ang Unang Ginang para mabilis na makarekober sa kanilang karamdaman.
“They have been taking fluids and medication to alleviate their symptoms. Currently, their vitals remain stable,” saad sa isang pahayag ng tanggapan ni Garafil.
Kabilang sa mga kanseladong pagdalo ng Pangulo ang presidential luncheon ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP).
Marso 16 nang bumalik sa bansa si Marcos at ang Unang Ginang matapos ang anim na araw na working state visits sa mga bansang Germany at Czech Republic.
Pagdating sa Pilipinas, agad naman aniyang nagtungo si Marcos sa ceremonial signing ng concession agreement para sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para sa Public-Private Partnership (PPP) at pinangunahan ang oath taking ng bagong promote na mga opisyal ng Philippine National Police (PNP).
Pinakahuling dinaluhan ni Marcos ang World Economic Forum (WEF) country roundtable sa Palasyo.
