BAGAMAT bigo sa unang tangka, tiniyak ng National Bureau of Investigation (NBI) na maibabalik sa bansa ang kongresistang wanted kaugnay ng mahabang talaan ng pamamaslang sa Negros Oriental.
Sa pagtataya ni NBI Director Medardo de Lemos, posibleng abutin pa ng Mayo ngayong taon ang pinakaaabangang pag-uwi ni dating Congressman Arnolfo Teves Jr. na pinaniniwalaang utak sa likod ng pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at siyam na iba pa sa bayan ng Pamplona noong Marso ng nakaraang taon.
Ani de Lemos, mismong ang korte ng Timor Leste ang nagbigay katiyakan na tatapusin ang pagdinig sa dulog na asylum ni Teves na inaresto kamakailan ng lokal na pulisya sa naturang bansa batay na rin sa kahilingan ng Interpol.
“Sabi nila (korte sa Timor Leste), they will terminate the proceedings within the period of seven days to 40 days maximum,” wika ni de Lemos na kumpyansa na maibabalik ang dating kongresista para harapin ang kabi-kabilang kasong kriminal na isinampa sa husgado.
Ayon sa NBI chief, masusing tinitimbang ng korte sa Timor Leste ang merito ng red notice na inilabas laban kay Teves.
Pagkatapos aniya ng proseso, may nakalatag na plano na ang NBI sa susunod na hakbang.
Garantiya ni de Lemos, maayos ang kondisyon ni Teves nang arestuhin ng lokal na pulisya ng Timor Leste sa isang golf driving range sa lungsod ng Dili. Katunayan aniya, personal na nakipag-usap ang dating congressman sa NBI contingent.
Todo tanggi naman si de Lemos sa alegasyon ni Atty. Ferdinand Topacio na nagsabing walang pahintulot ni Teves ang pagkuha ng larawan sa dating mambabatas.
