
Ni JIAY DUCABO
HIGIT pa sa pagiging sentro ng sining at kultura, muling nasungkit ng lokal na pamahalaan Angono sa sa ika-anim na pagkakataon ang natatanging pagkilala bilang Child-Friendly Local Government Unit sa isang pagtitipon idinaos kamakailan sa Carmona, Cavite.
Personal na tinanggap ni Angono Mayor Jeri Mae Calderon ang parangal na iginawad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pakikipagtulungan ng Department of Interior Government (DILG) bilang bahagi ng programang naglalayong paigtingin ang proteksyon sa sektor ng mga kabataan.
Sa isang pahayag, inamin ni Calderon na hindi naging madali sa lokal na pamahalaan sugpuin ang pang-aabuso sa mga paslit at menor de edad.
Gayunpaman, tiniyak ng alkalde sa DSWD at DILG na walang lugar sa kanyang nasasakupang bayan ang mga tinawag niyang “violence at exploitation.”
Kamakailan lang, nasagip ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) – sa tulong ng mga residenteng nagpaabot ng impormasyon hinggil sa pagmamaltrato sa tatlong musmos sa kamay ng sariling kaanak.
Bukod sa proteksyon kontra pang-aabuso, puspusan din ang malawakang pagbabakuna ng Municipal Health Office (MHO) sa mga bata.
Naglaan din ng pondo ang pamahalaan para sa edukasyon, kanlungan, nutrisyon, kamulatan sa pakalasan, sining at kultura, daycare services, at isang tanggapan sadyang nilikha para lamang sa mga bata.
Tiniyak din alkalde na mahigpit na ipinatutupad ng lokal ng pamahalaan ang mga batas na nagbibigay proteksyon at nagsusulong sa kapakanan ng mga bata – Republic Act 9262 (Anti-Violence Against Women and their Children Act) RA 7610 (Child Protection Act) at RA 9344 (Juvenile Justice and welfare Act).
“Isang higanteng karangalan para sa atin ang kilalanin sa ika-anim na pagkakataon bilang ang Child-Friendly Local Governance Awardee. Salamat sa DSWD, DILG, at ating mga katuwang sa lokal na pamahalaan – Konsehala Elena Ibanez, Luisita Vestra ng MSWDO, Cristina Trinidad ng MHO, at Ar. Jaime Salazar ng MPDO,” wika ni Calderon.