LIMANG kabataan ang nasaktan matapos pasukin at sunugin di umano ng mga armadong kalalakihan ang protest camp ng mga nagpoprotestang magsasaka laban sa anila’y pang-aagaw ng kanilang lupang sinasaka sa Barangay Tartaria, sa bayan ng Silang sa lalawigan ng Cavite.
Ayon sa grupong Samahan ng Magsasaka at Mamamayan ng Tartaria (SAMATA), isang tahasang paglabag sa status quo ang anila’y karahasan sa kabila ng kasunduan kung saan kapwa sumang-ayon ang mga magsasaka ang at pumupusturang landowner na walang lalampas sa itinakdang hangganan.
Kwento ng mga saksi, dakong alas 2:00 ng madaling araw kahapon nang pasukin ng mga gwardya ang kubong nagsisilbing pahingahan ng mga nakatalagang bantay para sa hanay ng mga magsasaka.
Bukod sa pagsunog, inakusahan din ng mga magsasaka ang mga gwardya ng pananakit at pagnanakaw sa mga personal na gamit ng mga kabataan.
Itinuloy din anila ng mga tauhan ng sinasabing landowner ang pagtatayo ng bakod sa pinagtatalunang lupa.
Samantala, mabilis na rumesponde ang Public Order and Safety Office ng lokal na pamahalaan ng Silang, kasama ang mga tanod ng Barangay Tartaria.
