Ni JAM NAVALES
PARA sa isang partylist congressman, malaking bentahe sa giyera kontra inflation ang suporta ng pamahalaan sa sektor ng agrikultura para tumaas ang produksyon ng mga magsasaka.
Bukod sa aniya’y pangmatagalang solusyon sa patuloy na pagtaas ng bilihin, kumbinsido rin si AGRI partylist Rep. Wilbert Lee na abot-kamay ang food security program na isinusulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung magiging magkatuwang ang pamahalaan at ang mga nagpupunla sa mga sakahan.
Ayon sa Bicolano lawmaker, karapat-dapat na makakuha ng mahusay na serbisyo mula sa gobyerno ang mga local food producer lalo na kung ang target ay maabot ang inaasam na food security at pagpapababa sa presyo ng pagkain sa mga pamilihan.
Ginawa ni Lee ang pahayag matapos lagdaan ni Marcos ang Administrative Order (AO) No. 20 na naglalayong gawing simple at maayos ang administrative procedures at policies sa importation ng agricultural products, kasama na ang pag-aalis sa non-tariff barriers para matiyak ang pagkakaroon ng sapat na suplay ng pagkain at mapababa ang presyo nito.
“Nauunawaan po natin ang layunin ng AO 20 para mapababa agad ang presyo ng bilihin at mabawasan ang pasanin ng ating mga consumers. Pero maituturing po natin itong short term solution. Nakikita po natin na long-term solution sa inflation ang dagdag na suporta sa ating mga local food producers na pakikinabangan ng taumbayan—mula sa ating mga magsasaka at mangingisda hanggang sa ating mga consumers,” reaksyon ni Lee.
“Hindi naman po tayo pwedeng maging import dependent habambuhay. Pabilisin man natin ang proseso ng importasyon, hindi natin makokontrol ang export policy ng ibang bansa na anytime pwedeng maghigpit, o magbago depende sa mga pangyayari tulad ng kalamidad o kaguluhan sa ibang mga bansa,” dagdag pa ng AGRI partylist lawmaker.
Nito nakaraang buwan ng Marso, muling tumaas ang inflation rate ng bansa mula sa naunang 3.4% ay naging 3.7%, na ang pangunahing nakikitang dahilan ay ang pagtaas sa presyo ng mga pagkain.
Diin ni Lee, dapat ay agresibong labanan ng pamahalaan at lutasin ang problema kung saan ang dapat tutukan ay ang punong sanhi ng suliranin – at sa pagkakataong ito, ang pagsipat sa bentahan ng basic goods sa mga lokal na pamilihan.
“As our food security soldiers, let us demand better for our farmers and fisherfolk. Addressing their needs will help them boost their production that will result to lower food prices. Kung mapapababa ang presyo ng pagkain, lalo na ang bigas, mapapahupa natin ang overall inflation,” sabi pa ng mambabatas.
“Pabilisin natin ang paghahatid ng ayuda, na dapat on time dumarating sa kanila; bigyan ng access sa murang farm inputs; bigyan ng dagdag na post-harvest facilities na hindi kilo-kilometro ang requirements bago makuha; bilhin ng gobyerno ang palay sa mas mataas na presyo para masiguro ang kita ng mga lokal na magsasaka, at sugpuin ang talamak na agri-smuggling na pumapatay sa kabuhayan ng marami nating kababayan,” dugtong niya.
Ipinaalaala rin ni Lee na ang importation ay dapat gawin lamang kung talagang kinakailangan at hindi bilang remedyo sa pagtaas sa presyo ng mga bilihin.
“We haven’t even fully maximized efforts to boost our local productivity, yet we are always drawn to importation. Pangmatagalang benepisyo ang hatid ng pagpapalakas sa lokal na produksyon. Walang talo, walang lugi, walang mapag-iiwanan, Winner Tayo Lahat.”
“Sa dagdag na suporta para sa ating mga agri workers, mapapataas ang kanilang kita, mas makukumbinsi silang taasan ang kanilang produksyon, na magpapababa sa presyo ng bilihin, at makaka ambag sa ating food security. Sa paraang ito, mababawasan din ang pangamba ng ating mga kababayan sa kaliwa’t kanang gastusin, kasama na ang lalong pagkabaon sa utang kung may magkasakit sa pamilya dahil walang pantustos sa pagpapagamot,” pahabol ni Lee.
