Ni HERNAN MELENCIO
KUNG hindi tayo mag-iingat, baka magising na lang tayo isang araw na kinakaladkad ng US sa giyerang nukleyar laban sa Tsina kahit ayaw natin. Kahit sinasabi ng lahat na walang may gusto ng giyera, maraming mga maiinit ang ulo o warmonger sa US at Pinas na astang naghahamon ng away.
Sa Pinas, biglang lumakas ang loob ng mga pulitiko at opisyal ng militar na alaskahin ang Tsina matapos ulitin ng US na “ironclad” ang pagkakaibigan ng US at ng Pinas. Nagpasok pa nga ang US ng mid-range missile launcher at mga mabibigat ng armas sa Pinas para sa pinakamalaking Balikatan na pagsasanay militar ng Kano at Pinoy sa West Philipine Sea. Kasama ang alalay ng US na Pransya sa pagpapatrulya ngayon sa teritoryo ng Pinas. May 14 na bansang alalay din ng US, kabilang ang Germany, Canada, Australia, at Hapon, na manonood sa pagsasanay. Mahigit 16,000 sundalo – 11,000 Kano at 5,000 Pinoy – ang kasali sa kunya-kunyariang bakbakan na kabibilangan ng pagpapalubog ng barkong “gawang Tsina.” (Hindi naman daw sinasadyang made in China ang barko; nagkataon lang daw.) May kaunting kayabangan ding sinabi ng isang opisyal na Pinoy na inaasahan niyang magbi-“behave” ang Tsina at hindi gagawa ng di maganda habang nagaganap ang Balikatan 2024. Hindi na niya kailangang sabihin iyon, pero malakas ang loob niya ngayong magbanta sa Tsina, hindi katulad nung dating si Roddy Duterte pa ang presidente na sanggang-dikit naman ni Xi Jingpin.
Kung kandarapa noon ang mga alipores ni Duterte sa paghalik sa paa ni Xi Jinping, dumidistansya naman ngayon sa dating amo ang ilan sa kanila at niyayakap ang mga Kano. Ang iba’y nagmamatigas sa pagkampi sa Tsina at nagpapanggap na sumasakay sa sentimyento ng mga aktibista at grupong bumabatikos sa mapang-away na maniobra ng imperyalistang Kano.
Tinututulan ng mga aktibista ang Balikatan 2024 hindi para kampihan ang taksil na si Duterte kundi dahil masama para sa Pinas ang patuloy na militarisasyon at dahil lalo nitong ginagatungan ang umiinit na tensyon sa pagitan ng US at Tsina. “Tinututulan namin ang panghihimasok ng Tsina sa West Philippine Sea, pero tinututulan din namin ang paggamit ng US sa isyu para mamayani sa rehiyon. Pareho lang silang imperyalistang gustong maghari sa rehiyon,” sabi ng mga aktibista. “Pinatunayan sa kasaysayan na laging nauuwi sa giyera at trahedya para sa mamamayan ang panghihimasok ng US. Nakita natin ito sa mga digmaang pinasok ng US sa Korea, Vietnam, Iraq, Afghanistan, Libya, Ukraine at Palestine,” anila pa.
Wala namang dudang may problema tayo sa Tsina at nabu-bully tayo sa maraming pagkakataon, pero hindi lang tayo at ang Tsina ang may inaangking mga isla o bahura sa South China Sea. Nariyan din ang Brunei, Malaysia at Vietnam. Nagpapatung-patong ang mga pang-angking ito at nabu-bully rin ng China ang ibang bansa. Nakararanas din ng pambobomba ng tubig ang mga mangingisda at Coast Guard ng Vietnam, halimbawa. Pero tiwala ito na hindi papasok sa giyera ang Tsina dahil lamang sa mga islang wala namang gasinong pakinabang. Walang makakapigil sa ating ideklarang “atin ang West Philippine Sea” at dapat lamang ito. (East Vietnam Sea ang tawag ng mga Vietnamese sa inaangkin nilang teritoryo.) Pero mas malakas, at mas lumalakas pa, ang tensyon sa pagitan natin at ng Tsina. Siguro dahil mas maingay tayo at sanggang-dikit natin ang US na naghahamon ng away ngayon sa Tsina sa maraming lugar, hindi lang sa South China Sea.
Ang US ang aggressor sa alitan nito sa Tsina. Binalaan na ng US ang Tsina sa pagbibigay nito ng mga piyesang militar sa Rusya laban sa Ukraine. At matagal na rin nitong binabalaan ang Tsina laban sa pagsakop sa Taiwan, gayong kinikilala ng US ang One China policy. Ibig sabihin, tanggap ng US na iisa lang ang Tsina at probinsya nito ang Taiwan. Ganun din ang paniwala ng mundo, kaya ang away ng Tsina at Taiwan ay itinuturing na internal conflict. Kung maggigiyera sila, maituturing itong civil war. Kamakailan lang, pinirmahan ni “Genocide Joe” Biden ang $8 bilyong ayuda para sa Taiwan na kunwari’y para sa buong Indo-Pacific region. Kasabay nito ang pag-uutos sa Tiktok, na pag-aari ng kumpanyang Tsino, na ibenta ang kumpanya sa mga Kano kung hindi’y tuluyang ipagbawal ang Tiktok sa US. (Kasabay ng ayuda sa Taiwan ang $61 bilyon para sa Ukraine at $26 bilyon para sa genocide na ginagawa ng Israel sa Gaza at West Bank.)
Habang lumalala ang alitan ng Kano at Tsino, lalong kinakailangan ng Kano ang Pinoy para pambala sa kanyon at para sa proxy war na gagawin nito. Hindi alam ng mga pulitiko sa Pinas na mas malaki ang pakinabang ng Kano kesa pakinabang ng Pinoy sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Nagdagdag si Dayunyor kamakailan ng apat na mga baseng militar para sa Kano at tatlo rito ang nakaharap sa Taiwan. Kapag nagpakawala ng mga missile ang Kano mula sa Pinas, sino ang unang gagantihan ng Tsina, ang US ba? Sulit ba ang “proteksyong” ibibigay nito kapalit ng walang hanggang katapatan natin? At hindi ba lalo nito tayong ibinubulid sa kapariwaraan sa “proteksyong” ito kasabay ng paghahamon ng away sa Tsina?
