
NI LOUIE LEGARDA
GINUNLANTANG ng Palasyo ang publiko matapos maglabas ng direktibang nagbigay-daan sa pagsibak sa dalawang Marcos appointees sa magkaibang ahensya ng gobyerno.
Unang sinibak si Atty. Franklin Quijano bilang chairperson ng National Commission of Senior Citizens (NCSC) matapos napatunayang guilty sa administrative case na ni Jose Francisco Tapia.
Ayon sa Palasyo, lubhang naapektuhan ang operasyon ng NCSC dahil sa kapabayaan at kapalpakan ni Quijano.
Batay sa alegasyon ni Tapia, inupuan di umano ni Quijano ang Implementing Rules and Regulations ng komisyon. Bahagi rin ng sumbong ang di umano’y kabi-kabilang biyahe, “unauthorized bonus scheme,” pagtatalaga ng mga consultant, maling paggamit ng pondo at iba pa.
Dahil aniya sa kapabayaan, naantala rin ang pagbuo ng Human Resource Merit Promotions at Selection Board at Bids and Awards Committee ng NCSC.
Tinulugan din aniya ni Quijano ang direktibang ni Marcos na magtalaga ng executive director at maging ang paghahanap ng tanggapan ng nasabing ahensya.
Bukod kay Quijano, sibak din sa pwesto si former Bases Conversion and Development Authority (BCDA) Chairman Thompson Lantion na itinalaga lang sa pwesto noong buwan ng Setyembre.

Hinirang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Hilario Bringas Paredes kapalit ni Lantion bilang chairperson, board of directors ng BCDA.
Si Paredes ay miyembro ng Board of Directors ng BCDA, miyembro rin ng North Luzon Railways Corporation, isang abogado at negosyante at nagtapos ng abogasya sa Ateneo de Manila University.